Sa pagdiriwang ng Earth Month, isa sa mga pinakamahalagang isyu na dapat pagtuunan ng pansin ay pag-iwas, kung hindi man paghinto, sa paggamit ng mga plastik.
Ang mga plastik, bagama't mahalaga rin ang gamit, ay nagiging malaking suliranin sa kapaligiran lalo na kung hindi ito naitatapon nang maayos.
Ayon sa datos na inilabas ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) noong bandang 2022, wala pang 10% ng plastik na ginagamit sa buong mundo ang nare-recycle.
Sa pananaliksik mula sa OECD, 460 milyong tonelada ng plastik ang ginamit noong 2021, halos triple ang bilang mula noong 2000.
Ang dami ng plastik na basurang nabuo sa panahong iyon ay higit sa apat na beses sa 353 milyong tonelada.
KAUGNAY NA BALITA: Bilang ng plastik na nare-recycle sa mundo, papalo sa 9% lamang — OECD
Paano pa kaya ngayong 2025?
Kamakailan lamang, ipinagbawal sa Quezon City noong Abril 21 ang paggamit ng mga disposable at single-use plastic (SUP) kagaya ng plastic bags, styrofoam, PET bottles, at plastic/paper cups sa loob ng Quezon City Hall at iba pang gusaling nasa ilalim ng lungsod, sa bisa ng Executive Order No. 3, Series of 2025 na nilagdaan ni Mayor Joy Belmonte, kasunod din ng kanilang Green Public Procurement Ordinance.
Hinihikayat ang mga mamimili na magdala ng sarili nilang eco-bag at sa mga kawani naman, magdala ng baunan o lalagyanan ng pagkain. Ipinagbabawal din ang paggamit ng disposable cutlery sa loob ng opisina, subalit ang mga bisita ay puwedeng magdala ng take-out containers ngunit hindi ito maaaring ipasok sa mga establishment.
Ayon kay Mayor Joy, ang polusyon sa plastik ay isang lumalalang krisis lalo na't gumagrabe na ang epekto ng global warming, patunay na nga rito ang mataas na heat index sa iba't ibang lugar sa Pilipinas.
Samantala, kung ibubuod ang iba't ibang tips ng mga ahensya at iba pang grupo, sa kabuuan ay narito ang ilang mga paraan kung paano makaiiwas sa paggamit ng plastik, kung kakayanin at hangga't maaari:
1. Pamamalengke ng Walang Plastik
Sa halip na gumamit ng plastic bags sa pamimili, magdala ng sariling reusable bags. Puwede ring gumamit ng bayong. Ito ay hindi lamang nakakatipid sa pera kundi nakatutulong din sa pagbawas ng basura sa kapaligiran.
2. Paggamit ng Reusable Containers
Sa pagkain sa labas o pag-uuwi ng pagkain, magdala ng sariling mga baunan, lalagyanan, o reusable containers. Ito ay makakatulong sa pagbawas ng paggamit ng styrofoam o plastik na pagkainan.
3. Paggamit ng Alternatibong Materyales
Sa pagbili ng produkto, piliin ang mga hindi plastik na pagkakabalot. Halimbawa, ang mga produktong may kahoy o kahoy na materyal na packaging ay mas maganda sa kalikasan.
4. Pagsasara sa Plastik na Pag-iinuman
Iwasan ang paggamit ng single-use plastic bottles. Sa halip, magdala ng sariling water tumbler o flask na puwedeng makapag-refill ng tubig. Mas tipid pa ito.
5. Pagsusulong sa Kampanya
Magsagawa ng edukasyon at kampanya sa komunidad tungkol sa kahalagahan ng pag-iwas sa paggamit ng plastic. Magbahagi ng impormasyon at alternatibong paraan upang matulungan ang mga tao na makatulong sa pagprotekta sa ating kalikasan.
Kung hindi talaga kaya at hindi maiiwasan, tiyakin lamang na itatapon sa wastong basurahan ang mga gagamiting plastik, matutong mag-segregate, o kaya, magresiklo.
Kung kaya naman, umiwas sa mga plastik!