Bukod kay dating Vice President Leni Robredo, nakuha rin ni “Pambansang Kamao” Manny Pacquiao ang suporta ni dating Manila City Mayor Isko “Moreno” Domagoso.
Sa ikinasang campaign sortie sa Baseco at Sta. Ana noong Sabado, Abril 26, sinabi ni Domagoso na karapat-dapat umanong bumalik sa Senado sa Pacquiao dahil hindi nakakalimot ang huli sa pinagmulan nito.
“Pareho kaming galing sa hirap. Hindi nakakalimot si Manny sa kaniyang pinanggalingan, kaya karapat-dapat siyang bumalik sa Senado,” saad ng mayoral candidate.
Pinasalamatan naman ni Pacquiao ang suportang ibinigay sa kaniya ng dating alkalde ng Maynila.
Aniya, “Ang laban ng mahirap ay laban nating lahat. Maraming salamat sa tiwala, Mayor Isko. Sama-sama tayong magtutulungan para sa bagong pag-asa ng bayan.”
“Kung magkaisa tayo, kaya nating itaguyod ang isang gobyernong tunay na para sa masa, makatao, makatarungan, at makabansa,” dugtong pa ni Pacquiao.
Matatandaang sina Robredo, Pacquiao, at Moreno ay dating magkakatunggali noong 2022 presidential elections.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, inendorso si Manny Pacquiao: ‘Siya ay mabait, mapagkakatiwalaan’