Ipinahayag ni dating Senador Leila de Lima na nananatiling buo ang kanilang tiwala kay dating Vice President Leni Robredo sa kabila ng naging pag-endorso nito kina senatorial candidates Manny Pacquiao at Benhur Abalos, na parehong kasama sa slate ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang video message nitong Huwebes, Abril 24, sinabi ni De Lima na alam nilang marami ang nagtatanong at nalilito sa naging desisyon ni Robredo na iendorso sina Pacquiao at Abalos kahit hindi kabilang ang mga ito sa “hanay ng oposisyon” at kahit bahagi sila ng “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” ni Marcos.
“Malamang po, may pinanggagalingan ang desisyong iyon,” ani De Lima, first nominee ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist.
“Ang sa amin po, buo ang tiwala namin sa kaniya. Sa bawat yugto ng kanyang serbisyo, pinatunayan na ni VP Leni na ang kaniyang pamumuno ay bukas, inklusibo, at laging nakatuon sa kapakanan ng mga nakararami—kahit pa hindi ito laging popular o madaling ipaliwanag,” dagdag niya.
Samantala, sinabi rin ni De Lima na patuloy ang kanilang pagsuporta sa opisyal kandidato ng Liberal Party para sa Senado na si dating Senador Kiko Pangilinan, na naging running mate ni Robredo noong 2022 elections.
"Nanawagan kami sa ating mga kababayan: huwag tayong maligaw. Malinaw ang dapat pagtuunan: ang katiwalian, ang panlilinlang, at ang pang-aabuso sa kapangyarihan. Hindi ang isa't isa," panawagan din ni De Lima.
Matatandaang noong Miyerkules, Abril 23, nang iendorso ni Robredo sina Pacquiao at Abalos sa Naga City.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, inendorso si Manny Pacquiao: ‘Siya ay mabait, mapagkakatiwalaan’
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, inendorso rin si Benhur Abalos
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.