Ipinaabot ni senatorial candidate Benhur Abalos ang kaniyang pasasalamat kay dating Vice President Leni Robredo dahil sa pag-endorso nito sa kaniya para sa 2025 midterm elections.
“Maraming salamat, Former VP Leni Robredo, sa pagtulong na inyong ipinaaabot ngayon sa pag-eendorso, at sa pagkakataong makausap natin ang mga kababayan natin sa Naga,” ani Abalos sa isang Facebook post nitong Biyernes, Abril 25.
“Tahimik man po ang ating pagtulong, hindi tayo napapagod hangga't may nangangailangan,” saad pa niya.
Matatandaang noong Miyerkules, Abril 23, nang bumisita si Abalos sa Naga City kung saan inihayag ni Robredo ang pag-endorso nito sa kaniya.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, inendorso rin si Benhur Abalos
Kasalukuyang tumatakbo si Abalos bilang senador sa ilalim ng “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” slate ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakalaban ni Robredo noong 2022 national elections.
Samantala, noon ding Miyerkules nang iendorso ng dating bise presidente ang kasama ni Abalos sa “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” na si dating senador Manny Pacquiao.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, inendorso si Manny Pacquiao: ‘Siya ay mabait, mapagkakatiwalaan’
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.