Dalawang magkasunod at magkahiwalay na insidente ng pagkamatay ng mga kumakandidatong alkalde ang naitala, ilang linggo bago ang National and Local Elections (NLE) 2025.
Sa Zamboanga City, patay na nang matagpuan sa kaniyang bahay ang independent mayoral candidate na si Orlando San Luis Negrete habang nakaupo sa isang upuan.
Ayon sa Zamboanga City Police Office (ZCPO), tinatayang apat na araw umano bago natagpuan ang halos naaagnas na katawan ng 80-anyos na biktima.
Patuloy umano ang imbestigasyon ng mga awtoridad, bagama't wala raw senyales ng pagnanakaw sa loob ng kaniyang tahanan bilang motibo sa pagkamatay ng nasabing kandidato.
Samantala, patay rin matapos pagbabarilin habang nangangampanya ang alkalde ng Rizal, Cagayan na si Joel Ruma.
Batay sa ulat ng pulisya, tumama ang bala sa kanang bahagi ng balikat ng biktima na tumagos umano sa kaniyang dibdib, bunsod nito, idineklara siyang dead on arrival.
Maliban sa alkalde, dalawang indibidwal pa raw ang nadamay sa insidente ng pamamaril na kapuwa namang nasa ligtas ng kondisyon.
Nagkasa na ng hot pursuit operation ang mga awtoridad upang matugis ang suspek.