Bukod kay dating senador Manny Pacquiao, inendorso rin ni dating Vice President Leni Robredo mula sa “Alyansa para sa Bagong Pilipinas” slate si dating Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos para sa 2025 midterm elections.
Sa isang aktibidad sa Naga City nitong Miyerkules, Abril 23, na inulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Robredo na matagal na raw niyang kaibigan si Abalos.
“Matagal na po natin siyang kaibigan, naging mayor siya ng Mandaluyong nang matagal na panahon, naging DILG secretary po siya–isang napakagaling na DILG secretary–at naging MMDA chairman at ngayon ay tumatakbong kandidato bilang Senador,” ani Robredo sa halong lenggwaheng Filipino at Bicolano.
Sinabi rin ng dating bise presidente na palagi raw tumutulong si Abalos sa Naga, lalo na raw nang hagupitin ito ng bagyong Kristine noong nakaraang taon.
Matatandaang noong Oktubre 2024 nang bumisita si Abalos kina Robredo sa Naga at nagbigay ng donasyon para sa mga nabiktima ng bagyo.
MAKI-BALITA: Benhur Abalos, bumisita kina Ex-VP Leni sa Naga; nag-donate sa typhoon victims
“Suportahan natin ang kaniyang kandidatura. Iboto natin siya sa pagkasenador,” saad ni Robredo.
“Kaya po kapag ito ay naging senador ay siguradong tutulungan niya tayo, kaya tulungan din natin siya," dagdag pa niya.
Kasama si Abalos sa senatorial candidates sa ilalim ng partido ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “Alyansa para sa Bagong Pilipinas.”
Bukod sa dating kalihim ng DILG, inendorso rin ni Robredo ang Alyansa senatorial bet na si Pacquiao nitong Miyerkules.
MAKI-BALITA: Ex-VP Leni, inendorso si Manny Pacquiao: ‘Siya ay mabait, mapagkakatiwalaan’
Inaasahang isasagawa ang 2025 midterm elections sa Mayo 12, 2025.