Nakiusap si House Speaker Representative Martin Romualdez na iboto ang lahat ng senatorial aspirant na kabilang sa “Alyansa para sa Bagong Pilipinas.”
Sa isinagawang powerhouse assembly ng mga lokal at pambansang opisyal nitong Martes, Abril 22, sinabi ni Romualdez na subok na umano ang mga kandidato sa ilalim ng slate ng kasalukuyang administrasyon.
"They are our true partners. Subok na subok sila. I know each and every one of them have proven themselves. Hindi tayo mapapahiya sa taong bayan,” saad ni Romualdez.
Dagdag pa niya, “These are the right candidates. This is the future of the Philippine Senate and the Republic of the Philippines.”
Matatandaang ang mga kabilang sa Alyansa ay sina dating Department of Interior and Local Government secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, incumbent Senators Ramon Revilla Jr., Pia Cayetano, Lito Lapid at Francis Tolentino.
Gayundin ang mga nagbabalik na sina dating senador Panfilo Lacson, Manny Pacquiao at, Vicente Sotto III pati sina ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at House Deputy Speaker at Las Piñas Lone District Rep. Camille Villar.
Ayon kay Romualdez, ang mga binanggit na pangalan umano ang magiging kasama ng Pilipinas para sa kapayapaan, kasaganaan, at kaunlaran.