April 15, 2025

Home BALITA Eleksyon

Mga 'mismatch na pangalan' sa resibo ng online voters, 'security features lang'—Comelec

Mga 'mismatch na pangalan' sa resibo ng online voters, 'security features lang'—Comelec
Photo courtesy: Comelec

Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec) ang kumakalat sa social media na nagkakaroon umano ng dayaan sa implementasyon ng kauna-unahang overseas online voting matapos ang umano’y mga maling pangalang lumalabas sa kopya ng ibinoto ng mga online voters. 

Sa panayam ng media kay Comelec Chairman George Erwin Garcia nitong Lunes, Abril 14, 2025, iginiit niyang security features lang umano ang mga pangalang lumalabas sa nasabing resibo ng bawat botante. 

“Yung boto nila naandon, na-preserve, hindi po nagagalaw. So, yun po ay proteksyon talaga natin upang hindi naman po magamit sa pagpapabenta ng mga boto,” ani Garcia.

Maaari din umanong maberipika ng online voters ang kanilang boto pagkatapos ng halalan sa Mayo 12 kung saan mismong bawat Comelec posts din sa iba’t ibang bansa ang maglalabas. 

Eleksyon

'ITIM' campaign ad concept, pakana raw ni VP Sara sey ni Sen. Imee

“Pero naandiyan 'yon at kung gusto nila mag-verify later kapag tayo'y natapos na sa pagpapaboto sa Mayo 12, ipi-print po 'yan ng mismong mga posts, at makikita po nila, yun po mismo na mga balota na ibinoto nila kung sila po yun,” anang Comelec chairman. 

Matatandaang nagkalat sa social media ang ilang screenshots ng mga botante sa abroad bunsod umano ng mga maling pangalang lumitaw sa kopya na kanilang pinanghahawakan matapos makaboto via online. 

Paglilinaw pa ng Comelec, na ang mga pangalang nakikita sa kani-kanilang kopya ay parte raw ng encrypted security features. 

“Doon kasi sa script minsan mayroon nakalagay na pangalanan ng isang kandidato, minsan ganiyan...Pero hindi po nangangahulugan na 'yon po ang binoto nila. Talaga pong gano'n, yun po yung purpose ng encryption. So hindi po 'yon nangangahulugan na yun po ang binoto nila. Pero naroon sa encrypted script yung lahat po ng binoto nila. Later on po kapag na-translate na 'yon into human readable, makikita nila na yun naman pala yung eksaktong mga binoto. So yun po ay paraan to protect...security po yun to protect mismo yung mga boto po natin,” anang Comelec chairman. 

BASAHIN: Kauna-unahang online voting, solusyon ng Comelec para ‘di mahirapan sa pagboto ang OFWs

Noong Linggo, Abril 13, nang mag-umpisa ang overseas online voting para sa lahat ng mga Pilipino sa ibang bansa na tatagal ng isang buwan at matatapos sa Mayo 12.