Maaaring patawan ng "election offense" o ng "disqualification" si Pasig City congressional candidate Atty. Ian Sia matapos mag-viral ang isang video kung saan nagbiro siya tungkol sa mga solo parent na babae na "nireregla pa."
Sa isang show cause order ng Commission on Elections (COMELEC) na inilabas nitong Biyernes, Abril 4, pinagpapaliwanag ng komisyon si Sia tungkol sa kaniyang biro habang nangangampanya sa Pasig City.
"In view of foregoing, you are hereby ordered to show cause in writing a non-extendible period of three (3) days from receipt hereof and to explain why a complaint for election offense and/or a petition for disqualification should not be filed against you," nakasaad sa show cause order.
Ayon sa komisyon, ang naturang biro ni Sia ay paglabag sa kanilang Anti-Discrimination and Fair Campaign Guidlines para sa 2025 National and Local Elections.
Matatandaang kumalat sa social media ang isang video ni Sia kung saan nagbiro siya tungkol sa mga solo parent na babae.
"Minsan sa isang taon, ang mga solo parent na babae, na nireregla pa, malinaw nireregla pa, at nalulungkot, minsan sa isang taon, puwede pong sumiping sa akin."