May mensahe para sa pagdiriwang ng Women's Month ang gurong si Teacher Melanie Figueroa, nagtuturo ng asignaturang Araling Panlipunan sa Hinaplanon National High School na matatagpuan sa Iligan City, Lanao Del Norte, matapos siyang parangalan sa kaniyang mga adbokasiya sa paaralan gaya ng "Laptop Para sa Pangarap," "Adopt-a-Student," at iba pa.
Ilang beses nang naitampok sa Balita si Teacher Melanie dahil sa kaniyang mga pinag-uusapan at viral na pagtulong sa mga mag-aaral, na talaga namang nagbibigay ng impact at inspirasyon sa lahat.
BASAHIN: Trending 'TeacHero' mula sa Iligan City, may 'Adopt a Student' project
BASAHIN: Guro mula sa Iligan City, instrumento sa pagtupad ng Christmas wish ng kaniyang mga mag-aaral
BASAHIN: Ang 'Laptop para sa Pangarap' ni Ma'am Melanie Figueroa ng Iligan
BASAHIN: Guro, nagpapatulong para sa estudyanteng naulila sa ina matapos magsilang ng kambal
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Teacher Melanie, naibahagi niyang nakatanggap siya ng parangal mula sa Office of the Ombudsman sa Northern Mindanao para sa "Ordinary People Doing Extraordinary Act" Award para sa HIP o Honesty, Integrity and Public Accountability.
Nakatanggap daw siya ng tawag mula sa opisina dahil sa kaniyang "Adopt-a-Student" advocacy dahil nais daw nilang malaman kung paano niya ito ginagawa.
Sinagot ng opisina ang lahat ng expenses ng awardees nang dalhin sila sa Maynila para sa awarding ceremony.
Nang matanong ang guro sa mga programang nais pa niyang gawin para sa mga estudyante, binanggit niya ang "oral hygiene" o pagpapadentista sa mga batang may problema sa kanilang ngipin. Naniniwala kasi ang guro na kung maayos ang ngipin ng mga bata, makakangiti sila nang maayos at mas tataas ang kumpiyansa nila sa kanilang sarili. Gusto ring ipagpatuloy ni Ma'am Melanie ang kaniyang proyektong pagbibigay ng sapatos sa mga deserving na mag-aaral, lalo na ang mga walang magamit sa kanilang pagpasok.
Umaasam din sana si Teacher Melanie na mapansin naman ng Department of Education (DepEd) ang kaniyang adbokasiya upang mas mapalawak pa ang mga oportunidad para dito.
Kahit hanggang sa kaniyang pagreretiro, sinabi ni Ma'am Melanie na ipagpapatuloy niya pa rin ang kaniyang mga adhikain para sa mga bata at mag-aaral na Pilipino, sa simpleng paraan subalit ekstra ordinaryong impact sa buhay nila.