March 31, 2025

Home BALITA National

Sen. Imee, ‘di raw inimbestigahan FPRRD arrest para sumikat: ‘Labis-labis na nga sikat namin!’

Sen. Imee, ‘di raw inimbestigahan FPRRD arrest para sumikat: ‘Labis-labis na nga sikat namin!’
Sen. Imee Marcos (Photo: Senate/YouTube screengrab)

“Yung apelyido ko nakakasindak eh…”

Iginiit ni Senador Imee Marcos na hindi niya inimbestigahan ang naging pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte para sumikat dahil apelyido pa lamang daw nila ay “nakakasindak” na.

Sa isang press conference nitong Huwebes, Marso 27, sinabi ni Marcos na nagsagawa siya ng imbestigasyon sa Senado upang malaman umano ang totoong nangyari sa naging pag-aresto kay Duterte noong Marso 11 at pagdala rito sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

“Hindi ako nag-imbestiga para mangampanya, para sumikat. Labis-labis na nga yung sikat namin. Yung apelyido ko nakakasindak eh,” ani Marcos. “Hindi naman ako nag-imbestiga para magpasikat or ma-endorso or maging bahagi ng ibang partido.”

National

Batangas, niyanig ng magnitude 4.6 na lindol

“Nag-imbestiga ako para malaman kung ano talaga ang nangyari at kung talagang nasunod ang batas ng Pilipinas kung talagang kaya nating tayuan ang ating soberanya at kalayaan,” saad pa niya.

Matatandaang noong Marso 20 nang pangunahan ni Sen. Imee, chairperson ng Senate Committee on Foreign Relations, ang pagdinig ng Senado sa naging pag-aresto kay Duterte kung saan iginiit niyang isa umanong “pang-aalipin” ang “hustisyang ipinapataw ng dayuhan.”

MAKI-BALITA: Sen. Imee, tinawag na ‘pang-aalipin’ ang ‘hustisyang ipinapataw ng dayuhan’

MAKI-BALITA: Tanong ni Sen. Imee: 'Pinas, kailan pa naging 'province of the Hague?'

Samantala, matapos ang naturang pag-imbestiga ng senadora, noong Miyerkules, Marso 26, nang ianunsyo niya ang kaniyang pagkalas sa partido ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na Alyansa para sa Bagong Pilipinas dahil hindi raw tugma rito ang prinsipyo niya hinggil kay Duterte.

MAKI-BALITA: Sen. Imee Marcos, kumalas na sa Alyansa para sa Bagong Pilipinas

Kasalukuyang nasa kustodiya ng ICC si Duterte upang dinggin ang kaso nitong “krimen laban sa sangkatauhan” kaugnay ng madugong giyera kontra droga nito.

MAKI-BALITA: 'Krimen laban sa sangkatauhan' dahilan ng arrest warrant vs FPRRD – PCO

BASAHIN: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD