Meron ka bang kapangalan?
Walong mga pangalan ng bagyo noong 2024 ang pinagretiro na ng Philippine Atmospheric and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Pebrero 26, 2025, sinabi ng PAGASA na inalis na sa listahan ng mga bagyo ang mga pangalang Aghon, Enteng, Julian, Kristine, Leon, Nika, Ofel, at Pepito.
Narito naman ang mga pangalang ipinalit sa naturang mga bagyong nagretiro nitong 2024, mula sa “reserved list” ng PAGASA.
Amuyao – pinalitan ang Aghon
Edring – pinalitan ang Enteng
Josefa – pinalitan ang Julian
Kidul – pinalitan ang Kristine
Lekep – pinalitan ang Leon
Nanolay – pinalitan ang Nika
Onos – pinalitan ang Ofel
Puwok – pinalitan ang Pepito
Ayon sa PAGASA, inalis ang naturang walong mga pangalan ng bagyo dahil sa laki ng epektong sinira ng pananalasa ng mga ito sa Pilipinas noong 2024.
“A domestic tropical cyclone name is decommissioned or ‘retired’ if its passage directly resulted in the deaths of at least 300 individuals or caused damage to houses, agriculture, and infrastructure amounting to at least PHP 1 billion based on official reports from the Office of the Civil Defense (OCD),” anang PAGASA.
“However, due to the compounding impacts brought about by the successive typhoon passages during the last quarter of 2024, the names of all tropical cyclones that directly contributed to the compounding impacts were also decommissioned from the list,” dagdag nito.
Dahil dito, ang taong 2024 na raw ang pinakamaraming decommissioned names mula nang magsimula ang naming scheme ng mga bagyo noong 2001.
Sisimulan namang gamiting ang walong bagong pangalan ng bagyo sa 2028 dahil sa rotation ng apat na set ng mga bagyo.