Kinumpirma ng Financial Action Task Force (FATF) na hindi na kabilang ang Pilipinas sa "grey list" ng mga bansang nangangailangan ng kanilang pagtuktok hinggil sa paglutas ng money laundering at counter financing of terrorism.
Isinasama ng FATF ang isang bansa sa kanilang grey list kapag ito ay nangangailangan nang masusing pagtutok sa paglutas ng kaso ng money laundering.
Batay sa inilabas na pahayag ng FATF nitong Sabado, Pebrero 22, 2025, nagpaabot sila ng pagbati para sa Pilipinas hinggil umano sa pag-usad ng bansa sa pag-aksyon nito sa mga kasong katulad ng money laundering at counter financing of terrorism.
"The FATF Plenary congratulated the Philippines for the positive progress in addressing the strategic anti-money laundering and countering the financing of terrorism and proliferation financing deficiencies previously identified during their mutual evaluations. The Philippines has completed their Action Plan to resolve the identified strategic deficiencies within agreed timeframes and will no longer be subject to the FATF's increased monitoring process," anang FATF.
Matatandaang noong Hunyo 2021 nang mapasama sa grey list ng FATF ang bansa.
Samantala, naglabas din ng pagbati ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa pagkakatanggal ng bansa sa grey list ng FATF.
"The Philippines welcomes its removal from the Financial Action Task Force (FATF)'s greylist, a milestone that underscores the country's commitment to combat money laundering and terrorist financing," anang AMLC.