Ipinahayag ni Senate President Chiz Escudero na kokonsultahin niya ang kaniyang mga kapwa senador kung “available” ang mga itong pag-usapan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
“Will consult the others if they want to and if they are available,” ani Escudero sa isang text message sa mga mamamahayag nitong Biyernes, Pebrero 21.
Sinabi ito ng pangulo ng Senado matapos ang panawagan ni Senador Koko Pimentel para sa isang caucus o pagtitipon upang malaman daw kung kailan dapat magsisimula ang paglilitis sa impeachment complaint ng bise na ipinasa ng House of Representatives.
Sinabi rin ni Pimentel na maaaring magpatawag ang Senado ng isang espesyal na sesyon para sa impeachment complaint.
Samantala, sa naturang mensahe ay sinabi rin ni Escudero na tutol daw siya sa pahayag ni Pimentel na kayang simulan ng Senado ang trial sa panahon ng recess kung kailan wala ang mga senador sa sesyon.
“I, however, disagree with him that we can start the trial during the recess when we are not in session by simply agreeing among ourselves to do so,” giit ni Escudero.
“This may bring our actions into question before the courts. Prudence, as they say, is the better part of valor,” saad pa niya.
Matatandaang noong Pebrero 10 nang sabihin ni Escudero na magsisimula ang paglilitis ng Senado sa naipasang impeachment complaint laban kay Duterte pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
MAKI-BALITA: Impeachment trial kay VP Sara, sisimulan pagkatapos ng SONA – SP Chiz
Kaugnay nito, noon lamang Martes, Pebrero 18, ay sumulat din si Pimentel kay Escudero upang igiit na dapat nang dinggin ng Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte dahil nakasaad daw sa Konstitusyon ang salitang “forthwith,” na may Filipino translation na “agad.”
MAKI-BALITA: Pimentel, sinulatan si SP Chiz ukol sa VP Sara impeachment; iginiit Fil. translation ng 'forthwith'
Sinang-ayunan naman ni Senador Risa Hontiveros ang naturang tindig ni Pimentel.
MAKI-BALITA: Sen. Risa, sang-ayon kay Sen. Koko na dapat dinggin na agad impeachment vs VP Sara
Samantala, noong Miyerkules, Pebrero 19, nang kumpirmahin ng Korte Suprema na pinetisyon mismo ni VP Sara ang kinahaharap niyang impeachment cases, partikular na ang ikaapat na ipinasa ng Kamara sa Senado.