Iginiit ng Social Weather Stations (SWS) Research Assistant Agatha Vitug na tila may kinalaman daw ang mga hiwalayan sa showbiz at ekonomiya ng bansa, sa pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong may masayang love life, batay sa kanilang survey.
Sa panayam ng Teleradyo Serbisyo kay Vitug inilahad niya ang posible umanong rason sa pagbaba ng bilang ng mga Pinoy na may masayang love life.
“Isa sa mga nakikita naming factors kasi mayroon kaming data through the years, and nagkaparehas sila noong 2004. Noong 2004 po, mayroon tayong mataas na oil prices, so parang ekonomiya ang nakikita naming angle dito,” saad ni Vitug.
Matatandaang batay sa inilabas na survey ng SWS, nasa 46% lamang ng mga Pilipino ang nagsasabing masaya sila sa kani-kanilang love life, kumpara noong Disyembre 2023 kung saan nakapagtala sila ng 58%.
Posible rin umanong natatakot ang ilan, bunsod sa mga sunod-sunod na breakup ng showbiz personalities na nagkalat sa social media.
“Parang nakakatakot din yun dahil yung iba matagal na ang relationships nila tapos mababalitaan mo, ‘ay break na sila.’ Kung ano yung nakikita natin, minsan, nare-reflect natin,” ani Vitug.
Samantala, batay pa sa nasabing survey, tinatayang nasa 36% din umano ng mga Pinoy ang umaasa na mas magiging masaya pa ang kanilang love life habang 18% naman ang nagsabing single at no love life.