Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanila umanong rekomendasyon matapos ang imbestigasyon sa kontrobersyal na mga pahayag ni Vice President Sara Duterte laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa panayam ng Super Radyo DZBB kay NBI Director Jaime Santiago nitong Miyerkules, Pebrero 12, 2025, binanggit niya ang mga kasong nakapaloob umano sa kanilang rekomendasyon.
“We have finally recommended the filing of inciting to sedition and grave threat against the Vice President,” ani Santiago.
Matatandaang noong Nobyembre 2024 nang tahasang igiit ni VP Sara na mayroon na siyang taong binilinan na “kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito sina PBBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.”
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
Samantala, paglilinaw pa ng NBI, naisumite na raw nila ang kanilang rekomendasyon sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ), kasama ang kanilang nakalap na ebidensya.
“Nai-submit na nga po namin sa Department of Justice at ang magtitimbang-timbang ng aming mga ebidensya ay ang DOJ, whether they will conduct a preliminary investigation on the matter,” anang NBI Director.