February 04, 2025

Home BALITA Politics

Jonathan Morales, pinatutsadahan mga kongresista: ‘Gusto ko talaga silang sampalin ng katotohanan’

Jonathan Morales, pinatutsadahan mga kongresista: ‘Gusto ko talaga silang sampalin ng katotohanan’
screenshot: Sonshine Media News Channel/YouTube

Pinatutsadahan ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent Jonathan Morales sina Rep. Dan Fernandez, Rep. Robert Ace Barbers, Rep. Joseph Paduano, at ibang kongresista sa isang press conference nitong Martes, Pebrero 4. 

Humarap sa media si Morales kasama ang iba pang mga social media personality, upang sagutin kung bakit sila nasa Korte Suprema sa halip na dumalo sa House tri-committee (tri-comm) probe. 

Matatandaang inimbitahan ng House of Representatives (HOR) ang 41 social media personalities hinggil sa isyu ng paglaganap ng mga umano’y disinformation at fake news online. 

“Sa mga pagkakataong katulad nito, kung saan ‘yong [mga] kalaban natin ay hindi lumalaban ng patas. Nagtatago ang mga ito sa kapangyarihang taglay ng legislative power. Ginagamit nila ‘yong kapangyarihang ipinagkaloob ng ating Saligang Batas. Kapangyarihang siyang sisiil sa karapatan ng lahat ng Pilipino,” saad ng ating PDEA agent. 

Politics

Trixie Angeles sa pagpapatawag sa kanila ng Kamara: 'Ito po ay isang paraan para patahimikin kami!'

Gusto raw niya talagang makaharap ang mga kongresistang sina Fernandez, Barbers, Paduano, atbp. upang ipamukha raw sa kanila kung ginagawa raw ba nila ang mga mandatong ipinagkaloob sa kanila ng taumbayan.

“Nanginginig ako bilang isang dating alagad ng batas. Gusto ko talaga silang sampalin ng katotohanan. Bakit may nabago ba sa buhay namin kaysa sa mga buhay ninyo ngayon?...,” patutsada ni Morales sa mga kongresista. 

“Ako, nagpapakamatay, nakikipabarilan, humaharap sa bala, humaharap sa panganib para sa bayan. Kayo, anong ginagawa ninyo? Ikukulong ninyo ako? Sige. Walang problema sa akin ‘yan. Pero sisiguraduhin kong kakaladkarin ko kayo at ilalantad ko ang lahat ng katarand*han ninyo sa sambayanang Pilipino. ‘Yan ang gusto ninyo ‘di ba?” dagdag pa niya. 

Sa tuloy-tuloy na pahayag ni Morales, nabanggit din niya sina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Marcos. 

“Ako lang at kaming mga vloggers lang ang kaya ninyo. Bakit hindi ninyo imbestigahan si Bongbong Marcos? si Liza Marcos? Puro kayo sindikato. Mga improkito kayo. Nakakanginig kayo ng laman [...],” aniya pa. 

Patutsada pa niya sa mga kongresista, "kinatatakutan ninyo, adik! Bangag! Meron d'yan mga dating pulis, mga dating military. [Nasaan] kayo ngayon?! Naging politiko kayo ngayon. Magnanakaw na nga kayo noon, magnanakaw pa rin kayo ngayon!"

Samantala, nitong Martes ng hapon, naglabas ng multiple show cause orders ang Tri-Comm sa social media personalities na hindi dumalo sa pagdinig.