February 03, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Ricky Lee sa aspiring writers: ‘Yung passion, ‘wag hayaang manatiling passion, lagyan mo ng action’

Ricky Lee sa aspiring writers: ‘Yung passion, ‘wag hayaang manatiling passion, lagyan mo ng action’
National Artist Ricky Lee (Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Pinayuhan ni National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee ang mga aspiring writer na huwag nilang hayaang manatili na lamang na “passion” ang gustong gusto nilang gawin na pagsusulat, bagkus ay gumawa sila ng paraan upang maisakatuparan ito. 

Sa ginanap na meet-and-greet session nitong Linggo, Pebrero 2, bilang bahagi ng CCP Pasinaya 2025, tinanong si Lee ng isang kabataang nangangarap maging manunulat sa pelikula kung ano ang maipapayo niya sa katulad nito. 

“Yung passion, huwag mong hayaang manatiling passion. Lagyan mo ng action. Huwag kayong aspire lang nang aspire, magsulat kayo,” payo ni Lee.

“So kung gusto ninyong magsulat ng kuwento, maski na hindi ka nakapag-workshop o wala  o walang nakuhang kurso sa university in writing, maski na feeling ninyo hindi kayo marunong magsulat, na feeling n’yo mali-mali yung mga nasulat ninyo at pangit, pero kung meron kayong passion na magkuwento, marami kayong kuwentong gustong ilabas sa loob ninyo, hindi yun mabubuo hangga’t hindi yun inilalabas.”

Human-Interest

Julius Manalo, binisita sa Pilipinas ng Koreanang ina

Ayon sa national artist, mas magandang maisulat na ang konseptong nasa loob ng isang indibidwal na may passion sa pagsusulat upang malaman niya kung ano pa ang dapat niyang i-improve dito.

“Kailangang ilabas ninyo yung kuwento para makita ninyo kung gaano siya kapangit, kung gaano siya ka-hindi correct, kung gaano siya hindi tama sa kung ano man ang panuntunan. Hanggang hindi mo siya nilalabas, hindi mo malalaman kung anong dapat gawin,” ani Lee.

“Kung nakita mo na kung gaano siya kapangit, kung gaano ka-incorrect, then that’s the first step. ‘Ito ang gagawin ko para matuto. Mahusay pala ako sa ganito, mahina pala ako sa ganito.’ Sa lahat ng gustong magkuwento, gawin mo na ngayon. Huwag mo nang i-postpone nang i-postpone,” dagdag niya.

Kaugnay nito, sinabi ng national artist na maituturing na “great tragedy” kung palaging pinagpapaliban ng isang indibidwal ang pagsasakatuparan ng kaniyang passion. 

“It will be such a great tragedy kung habang-buhay dinala-dala mo yung passion mo na ‘magsusulat ako’ pero you keep postponing. You keep attending workshops, paulit-ulit, sunod-sunod, pero you keep postponing writing. Until maybe it’s too late na para makapagsulat. So, ang laking tragedy noon.”

“It’s better na malaman mo kung gaano ka ka-successful o unsuccessful sa pangarap mo. Magsa-succeed ka eh. Lahat naman tayo nagsimula. Pare-pareho naman tayong nagsimulang nangangarap,” saad ng national artist.

BASAHIN: Ricky Lee, nagpa-meet-and-greet sa CCP Pasinaya 2025

BASAHIN: EXCLUSIVE: Gaano nga ba kahalaga ang ‘love’ sa pagsusulat para kay National Artist Ricky Lee?