Isiniwalat ni House Secretary General Reginald Velasco na ipapadala na nila sa opisina ni House Speaker Martin Romualdez ngayong linggo ang mga nakahaing impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni Velasco sa isang ambush interview nitong Lunes, Pebrero 3, nang tanungin siya hinggil sa tatlong “nakatengga” umano sa kaniyang opisina na reklamong pagpapatalsik laban sa bise.
“It’s still with me, but we have to act on it this week. We will act on it this week,” ani Velasco.
Samantala, sinabi rin ng House Secretary na mayroon umano talagang nagbabalak na maghain ng ikaapat na impeachment complaint laban kay Duterte ngunit hanggang ngayon daw ay hindi pa ito inihahain, kaya’t aaksyunan na raw nila ang naunang tatlong reklamo sa House of Representatives.
Matatandaang noong Disyembre 24 nang ihain ang tatlong impeachment complaints laban sa bise presidente kung saan iginiit ng mga naghain nito na kasama sa grounds ng reklamo ang “culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, and other high crimes.”