February 03, 2025

Home FEATURES Human-Interest

EXCLUSIVE: Gaano nga ba kahalaga ang ‘love’ sa pagsusulat para kay National Artist Ricky Lee?

EXCLUSIVE: Gaano nga ba kahalaga ang ‘love’ sa pagsusulat para kay National Artist Ricky Lee?
National Artist Ricky Lee (Photo: MJ Salcedo/BALITA)

Heads up, aspiring writers!

Ngayong buwan ng Feb-ibig, nagbigay ng take si National Artist for Film and Broadcast Arts Ricky Lee, sa eksklusibong panayam ng Balita, kung gaano nga ba kahalaga ang “love” (at maging ng heartbreak) sa pagsusulat. 

Sa panayam ng Balita kay Lee nitong Linggo, Pebrero 2, sa tingin niya ay hindi makakapagsulat ang isang writer kung walang puwang ang pag-ibig sa kaniyang puso.

“Actually lagi kong sinasabi sa workshops ko na mahalaga ang pagmamahal, ang pag-ibig, sa pagsusulat. Hindi naman necessarily romantic love. Pero kung wala kang nararamdamang pagmamahal o pag-ibig sa kapwa, o maski sa ibang bagay, o sa bayan o sa sarili, I don’t think you can write,” aniya.

Human-Interest

Julius Manalo, binisita sa Pilipinas ng Koreanang ina

“Pero in the end pinaka-romantic pa rin at pinaka-intense yung romantic love.”

Sa kabila nito, sinabi rin ng national artist na medyo tricky rin ang pagkakaroon ng “romantic love” para sa isang writer. 

Bagama’t nakakatulong ang love para magkaroon ng inspirasyon sa paglikha ng mga katha, kung minsan, anang national artist, “hindi nakakatulong” ang romantic love sa pagsusulat.

“[Ang romantic love ay] nakakatulong at hindi nakakatulong. Kung minsan kapag sobra kang masaya dahil sa pag-ibig, kung minsan hindi ka na makakapagsulat kasi doon ka na nagbubuhos ng atensyon. At wala ka nang ibang nakikita,” aniya.

Gayundin ang kaso pagdating sa kasawian sa pag-ibig, saad ng national artist.

“Kung minsan din naman kapag brokenhearted ka, napipilayan ka, hindi ka rin makapagsulat.”

Sa lahat ng posibleng distraction sa labis na pagmamahal sa isang tao, o kaya nama’y pagkapilay dahil sa hindi nasuklian o nabasag na pag-ibig, nasa writer pa rin daw kung pipiliin niya pa ring kunin ang panulat o harapin ang computer para lumikha at “magpaka-writer.”

“Nasa sa’yo eh, I think. Pero kung writer ka, eventually matu-turn around mo yung pinagdadaanan mo na heartbreak. Tapos makakapagsulat ka ng mas nakaka-relate yung mga tao,” ani Lee.

Dagdag niya: “Kasi aminin na natin, at one time or another, lahat tayo naging heartbroken.”

Nitong Linggo nang magpa-meet-and-greet si Lee sa ilang mga aspiring writer at filmmaker sa bansa sa Tanghalang Ignacio Gimenez Parking bilang bahagi ng pagdiriwang ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na CCP Pasinaya 2025.

BASAHIN: Ricky Lee, nagpa-meet-and-greet sa CCP Pasinaya 2025