February 03, 2025

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga programang ilulunsad ng NCCA sa pagdiriwang ng National Arts Month 2025

ALAMIN: Mga programang ilulunsad ng NCCA sa pagdiriwang ng National Arts Month 2025
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA

Opisyal nang binuksan ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang pagdiriwang para sa Pambansang Buwan ng mga Sining (National Arts Month) sa NCCA Building, Intramuros, Maynila ngayong Lunes, Pebrero 3.

Kabilang si Miss Universe 2018 at NCCA Arts Ambassador Catriona Gray sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon. Sa kaniyang mensaheng binigkas, hinikayat niya ang publiko na makiisa sa inisyatibo ng NCCA para sa Buwan ng mga Sining. 

“I think it's really poignant to say na [...] pursuing creativity is something that feeds the soul but also inspires others to go under the same path and to be able to create other things; to give it to push what we thought possible,” saad ni Catriona.

Dagdag pa niya, “Arts inspires, arts uplist, art is something that we can be behind.I hope that this arts month you can all join us. Ang dami-daming mga events and happenings around Metro Manila and also iba’t ibang provinces.”

Human-Interest

Julius Manalo, binisita sa Pilipinas ng Koreanang ina

Ngunit ano-ano nga ba ang programang ilulunsad ng komisyon?

1. Saan Ka Lulugar 2025: Resiliency in the Built and Design Environment 

Sa pamamagitan ng mga panayam, worksyap, at walking tour, gagalugarin ng “Saan Ka Lulugar” (SKL) 2025 ang intelektuwal na pag-unawa at emosyunal na ugnayan tungkol sa lumalagong konsepto ng tahanan sa lente ng kultura at sining. 

Nakatakda itong ganapin sa Kublai Art Garden Digos City, Davao Del Sur mula Pebrero 22 hanggang 2025. Ayon sa National Committee on Architecture and the Allied Arts (NCAAA), “Bayan ko, Saan Ka Lulugar sa Aming Diwa’t Damdamin?” ang napiling tema ngayon para sa SKL.

2. Diwa’t Damdamin sa Pelikula Natin

Samantala, narito naman ang mga ganap na pinangunahang ilunsad ng National Committee on Cinema (NCC) para sa pagpapalakas ng pelikula sa bansa:

* Cinema Rehiyon Film Festival - Pebrero 7 sa Butuan City 

* “Paano Magbasa ng Pelikula” (Film Education) - Pebrero 8 sa Philippine Science High School - CARAGA Region Campus, Pebrero 17 sa Alaminos, Pangasinan; Pebrero 20 sa Bulacan.

* Solar Shorts Flix - regional films screening sa SolarTV sa darating na Pebrero 12 at Pebrero 17 hanggang 21.

Bukod dito, bilang bahagi ng NCC activities, ipapalabas din ang mga rehiyonal na pelikula sa mga sumusunod na lokasyon at petsa:

* MiraNila Heritage House, Pebrero 4 at 12

* Film Development Council of the Philippines, Pebrero 5 - 19

* Imus Cavite, buong Biyernes sa buwan ng Pebrero

* Quezon Province, Pebrero 12 at 13

3. Sayaw Pinoy

Bukod sa worksyap na isasagawa sa National Capital Region, probinsya ng Batangas, at Pampanga mula ikalawa hanggang ikaapat na linggo ng Pebrero, ilulunsad din ng National Committee on Dance (NCD) ang Sayaw Pinoy 2025 National TikTok Dance Challenge upang palaganapin ang bagong theme song ng Sayaw Pinoy.

Itatawid din ang serye ng mga lecture sa online platform upang talakayin ang pagsayaw na bahagi ng K-12 MATATAG program.

4. Tanghalang Bayan

Itatampok ng National Committee on Dramatic Arts (NCDA) sa Tanghalang Bayan ang serye ng mga palihan, diskurso, at pagtatanghal mula sa iba’t ibang theater group sa NCR. Gaganapin ito sa Metropolitan Theater, Manila sa darating na Pebrero 26.

5. PANITIKaravan

Sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) Manila, magiging posible ang mga sumusunod na inisyatibo ng National Committee on Literary Arts (NCLA) sa Araullo High School sa darating na Pebrero 24: Pampublikong Panayam, Mabilisang Palihan, at Malikhaing Pagtatanghal.

Samantala, ang iba pang pagdiriwang na bahagi ng NCLA’s National Festival ay gaganapin sa University of the Philippines - Los Baños, Central Bicol University of Agriculture, Sentro Wika at Kultura Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales Manlilikha Launch.

6. Musikapuluan

Pangungunahan naman ng National Committee on Music (NCM) ang serye ng mga palihan at pagtatanghal na naglalayong bigyan ng espasyo ang mga grupo at manlilikhang naglalako ng malawak na spectrum ng musika sa buong Pilipinas.

Itatampok sa Musikapuluan ng Luzon ang tradisyonal na musika ng mga taga-Cordillera na may kasamang interaktibong palihan kung saan ipapakita ang mga katutubong instrumento at tradisyonal na vocal techniques.

Gaganapin ito sa darating na Pebrero 26 hanggang 27sa Bauko at Bontoc, Mountain Province.

Nakasentro naman ang Musikapuluan ng Visayas sa mga musical style ng mga residente rito na sasamahan ng pagtatanghal ng tradisyonal na katutubong awit at rondalla music sa Roxas City, Capiz mula Pebrero 15 hanggang 16.

Samantala, sa Mindanao naman ay itatampok ang pagtatanghal ng kulintang, kanta, at sayaw na mayroon sa isla. Bukod dito, isasagawa rin ang palihan tungkol sa trandisyonal na musikang Mindanaoan mula Pebrero 17 hanggang 18 sa Lamitan, Basilan.

7. Visual Arts

Nakatakda namang magsagawa ng art workshops, art exhibitions, at town hall meetings ang National Committee on Visual Arts sa Cebu City sa darating na Pebrero 6 hanggang 8 at Pebrero 22 hanggang 24 naman sa Baler, Aurora.

8. Ani ng Dangal

Gaya ng taon-taong isinasagawa, gagawaran ng NCCA ang mga manlilikhang nakatanggap ng international awards at kinilala sa iba’t ibang larangan bilang highlight sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Sining.