Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na pinag-iisipan pa niya kung makabubuti o makasasama sa mga kandidato sa 2025 midterm elections ang pag-endorso niya sa mga ito.
Sa panayam ng News5 nitong Sabado, Pebrero 1, sinabi ni Duterte na tinitingnan pa raw niya kung ano ang magiging partisipasyon niya sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025.
“Sa 2025 elections, pinag-iisipan ko pa kung ano yung participation ko. Hindi ko alam kung makakatulong o makakasama sa mga kandidato ang pag-endorso ko sa kanila. Kaya pinag-iisipan ko yun nang maayos,” ani Duterte.
Dagdag pa ng bise: “Kung ang hindi pag-endorso ay makakatulong sa isang kandidato, gagawin ko yun.”
Kasalukuyang nahaharap si Duterte sa tatlong impeachment complaints sa Kamara, kung saan iginiit ng mga naghain nito na kasama sa grounds ng reklamo ang “culpable violation of the Constitution, graft and corruption, bribery, betrayal of public trust, and other high crimes.”
Samantala, sa naturang panayam ay muling iginiit ni Duterte na kinokonsidera na talaga niyang tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa 2028 dahil “napag-iiwanan na ang Pilipinas, at ayaw natin yun.”
MAKI-BALITA: VP Sara, 'seriously considering' nang tumakbong pangulo sa 2028: 'Napag-iiwanan na ang PH!'