Inusisa si Atty. Vic Rodriguez tungkol sa tunay na dahilan ng “falling out” nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa ginanap na “Tanong ng Bayan: The GMA Senatorial Face-Off 2025,” sinabi ni Rodriguez na hindi raw niya masikmura ang korupsiyon kaya siya umalis sa Malacañang.
Ayon kay Rodriguez, “Hindi ko masikmura ang korupsiyon kung kaya’t ako ay umalis ng Malacañang. Ako ay binigyan pa ng isang posisyon—ang presidential chief of staff. Subalit hindi ko na gusto ‘yong direksyon na kanilang tinatahak. Kaya sabi ko, ‘ayaw ko na. Babalik na lang ako sa pribado.’”
“Pangalawa,” pagpapatuloy niya, “doon sa Partido Federal [ng Pilipinas]. Kaya nila ako tinanggal sapagkat sa sama ng loob nila. Gusto nila, hinihingi nila sa akin, noong ako ay executive secretary na gawin ko silang chairman ng Comelec, gawin ko silang chairman ng PAGCOR, gawin ko silang chairman ng PCSO, at gawin ko silang chairman ng Civil Service Commission. Hindi sila kwalipikado.”
Dagdag pa ni Rodriguez, “Alam ko, ang nais lang nila ay magnakaw kaya hinindian ko ‘yan. Kaya sila nagalit sa akin.”
Matatandaang Setyembre 2022 nang ianunsiyo ni Rodriguez ang pagbibitiw niya bilang executive secretary ni Pangulong Ferdinand “Bongbog” Marcos, Jr.
Pero bago pa man ito ay matagal na naging abogado at tagapagsalita ni PBBM si Rodriguez.
MAKI-BALITA: Vic Rodriguez, binasag na ang katahimikan tungkol sa pagkalas bilang Executive Sec ni PBBM