February 01, 2025

Home FEATURES Lifehacks

Ano nga ba ang tamang behavior kapag 'tayo ay nasa fine dining restaurant?'

Ano nga ba ang tamang behavior kapag 'tayo ay nasa fine dining restaurant?'
Photo courtesy: Pixabay

Patok na patok sa mga netizen ang lumang viral video ng social media personality na si Toni Fowler habang sinesermunan niya ang isa sa mga miyembro ng ToRo family matapos nilang kumain sa isang "fine dining restaurant."

Makikita sa throwback video ang sermon ni Toni habang nasa loob sila ng kotse. Mula ito sa lumang episode ng ToRo Family online series ni Toni kung saan pinagsasabihan niya si Micaela Marcelo o "Mikay" tungkol sa ginawa nitong hindi magandang asal habang nasa labas sila at kumakain kasama si Doc Yappy at ang misis nito.

Si Doc Yappy o Dr. Eric Yapjuangco ay isang kilalang plastic surgeon. Si Toni naman ay kaniyang kaibigan at kliyente.

"Noong dinner, anong nangyari? May inaabot sa 'yo si Papi anong nangyari---Put*ng-ina nalaglag 'yong biskwit, tama? Tayo ay nasa fine dining restaurant, 'di ba, so 'yong pagka-iskwater natin, iwan natin sa bahay," talak ni Toni.

Lifehacks

Pag-require sa bagong empleyadong mag-perform sa Christmas party, labag sa batas?

"Pagkalaglag, nandoon sina Ms. Vina, sina Doc Yappy, imbis na 'Ay sorry sorry,' anong naging reaksiyon? 'Put*ng-ina nito! Nagbibigay lang, ganiyan pa eh.' k*ng-ina mo naman. Nasa restaurant ka naman na sosyal. Kailan mo 'ko narinig na 'P*ki ng-ina naman eh,' naggagagano'n ako sa harap ni Ms. Vina? Never," giit pa ni Toni.

"Ang tawag doon, pakikisama. Hindi ka naman magiging peke eh. Pero, put*ng-ina, um-adjust ka naman sa sitwasyon. 'T*ng-ina naman, nagbibigay bigay lang ako eh.' Napaganoon ako sa 'yo, 'Ay put*ng-ina ni Mikay oh. Ay g*go.' Napaganoon ako. Nakatingin lang ako sa iyo ng ganyan. 'Tapos no'ng sinabi mo na 'Sorry, sorry po, sorry po,' noong gumilid kayo, saka ako kumalma," pagpapatuloy niya.

Ang punto ni Toni, kinakailangan daw na iwanan ang mga nakasanayang gawi at makisama raw sa ibang tao, lalo na pagdating sa manners.

Hindi naman daw ito pagpapakaplastik kundi pagpapakita ng pakikisama.

Dahil dito, ginawan na rin ito ng iba't ibang meme at nakakatawang content, kabilang na rin ang sikat na content creator na si Davao Conyo.

MAKI-BALITA: Sermon-talak ni Toni Fowler sa tamang behavior sa 'fine dining restaurant,' patok

Ano nga ba ang mga fine dining etiquette o tamang asal kapag kumakain sa isang pormal na kainan?

Maganda at masayang karanasan ang pagkain sa mga fine dining restaurant ngunit siyempre, nangangailangan ito ng tamang asal at etiketa. Hindi tulad ng karaniwang kainan, may mga alituntuning dapat sundin upang ipakita ang paggalang sa kapwa-diners at sa mismong lugar. Sabi nga, walang masama sa pagpapakatotoo, pero dapat, inilalagay rin ito sa lugar at tamang sitwasyon o konteksto.

Narito ang ilang mahahalagang patnubay upang makasiguradong nasa maayos at elegante ang iyong kilos sa isang fine dining setting.

1. Maging maayos, presentable, at angkop, o akma ang pananamit

Bago pumunta sa isang fine dining restaurant, makabubuting alamin at saliksikin ang dress code. May ibang resto na talagang mahigpit dito. Hinihikayat ang pagsusuot ng formal, semi-formal, o business attire. Sa mga lalaki, karaniwan ang long sleeves, polo, slacks, black shoes, at ang iba pa nga ay may coat at tie. Sa mga babae naman, maaaring naka-dress, long sleeves at slacks na pambabae, at sapatos na may takong. Pakaiwasan ang pagsusuot ng tsinelas, shorts, sando, o kasuotang masyadong kaswal. Pero may ilan namang hindi masyadong mahigpit tungkol dito. Basta't makita nilang "presentable" naman ang diners, nagpapapasok naman sila.

2. Maging magalang sa staff

Sabi nga, maging magalang sa lahat ng pagkakataon. Pagpasok pa lang sa restaurant, siguraduhing ipakita ang paggalang sa mga staff, lalo na sa receptionist at waiter. Gumamit ng mga magagalang na salita tulad ng "pakiusap" at "salamat" kapag humihingi ng serbisyo. Iwasang mamahiya ng staff at pagsalitaan sila ng masasama at masasakit na salita.

3. Alamin ang wastong paggamit ng mga kubyertos at iba pang kasangkapan sa mesa

Karaniwan, ang mga kasangkapan sa pagkain gaya ng utensil o kubyertos, plato, platito, mangkok, baso, at iba pa ay nakasalansan na sa mesa. Alamin ang tamang paggamit ng mga ito. Ipatong ang table napkin sa kandungan bago magsimulang kumain. Kung aalis sa mesa pansamantala, ilagay ito sa gilid ng plato. Kapag hindi na ginagamit ang kutsilyo, kutsara, at tinidor, ipatong ang mga ito sa plato sa posisyong “4 o’clock” upang ipakita na tapos ka nang kumain.

4. Kumain nang maayos na may "elegance' at pinong kilos

Huwag magmamadali sa pagkain; tikman ito nang maayos at dahan-dahan. Iwasang gumawa ng malalakas na tunog kapag ngumunguya o umiinom. Hangga't maaari ay iwasang magtira at ubusin ito. Iwasan ding mahulog ang mga mumo at piraso ng pagkain sa lapag. Huwag ding hayaang matapunan ng sarsa o sabaw ang iyong damit. Kapag namantsahan o namantikaan sa mukha o bandang labi, maayos itong punasan gamit ang table napkin.

5. Iwasan ang malalakas na usapan, tawanan at iba pang hindi kanais-nais na gawi at kilos

Sa fine dining, mahalaga ang mahinahong tono ng boses. Iwasan ang masyadong malakas na pagtawa, pagsasalita ng maseselang paksa, at malakas na tunog mula sa gadgets. Kung kailangang sagutin ang isang tawag, lumabas muna ng dining area upang hindi makaistorbo sa iba.

6. Huwag magmamadali sa pagbabayad at pag-alis

Kapag natapos nang kumain, huwag agad-agad tumayo. Karaniwan, ang waiter ang magbibigay ng bill kapag hiniling mo ito. Iwasan ang sobrang pagmamadali sa pagbabayad, at magbigay ng tip kung naaangkop, lalo na kung maganda ang serbisyo.

Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga etiketa sa itaas, hindi lang magiging kasiya-siya ang iyong karanasan sa pagkain sa fine dining resto, kundi maiiwasan din ang anumang hindi kanais-nais na sitwasyon.