January 27, 2025

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

10 bagay na hindi mo dapat gawin sa Chinese New Year

10 bagay na hindi mo dapat gawin sa Chinese New Year
MB file photo

Sa gitna masayang pagdiriwang ng Chinese New Year para i-welcome ang isang taong kasaganahan at kaligayahan, may mga tradisyon at paniniwala rin para mataboy raw ang kamalasan.

Kaya naman para tuloy-tuloy ang pasok ng swerte, narito ang ilang mga bagay na itinuturing na “taboo” o mga hindi raw dapat gawin sa Chinese New Year, ayon sa mga ulat:

1. Huwag banggitin ang mga salitang may negatibong ibig sabihin

Pinagbabawal daw sa Chinese New Year ang mga salitang maaaring magdala ng negatibo sa iyong buhay tulad ng: kamatayan, sakit, pagkawala, malas, multo, at iba pa. Ito ay para hindi maka-attract at hindi n’yo maranasan ang ibig sabihin ng nasabing mga salita.

2. Huwag magbasag ng mga gamit

Kapag nagbasag ka raw ng mga gamit, maaaring masira ang iyong koneksyon sa swerte o kasaganaan. Kung may nalaglag namang plato o babasaging bagay nang hindi sinasadya, agad itong balutin ng pulang papel habang bumubulong ng magagandang salita. 

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga ginagawa ng mga Tsinoy tuwing Chinese New Year

3. Huwag maglinis o magwalis

Kapag nagwalis ka raw sa actual celebration ng Chinese New Year, mawawalis nito ang swerte. Maaari ka lang daw magwalis bago ang mismong Spring Festival dahil ito ang araw ng paglilinis, kung saan ang mawawalis dito ay ang malas.

4. Huwag gumamit ng matutulis na bagay

Kapag gumamit ka raw ng matutulis na bagay tulad ng gunting at kutsilyo, maaari itong magdulong ng alinmang aksidente na pinaniniwalaang mauuwi sa kamalasan at pagkaubos ng yaman. Para mo na rin daw pinutol ang iyong swerte kapag gumamit ka ng mga ito.

5. Huwag hugasan ang buhok o magpagupit

Ang Chinese character daw para sa buhok ay pareho ng pronunciation sa unang Chinese character para sa salitang “prosperity” o pagyaman. Kaya’t kapag hinugasan o pinutol mo raw ang buhok mo sa unang araw ng Chinese New Year, parang inalis mo na rin ang swerte. Ito raw ang dahilan kung bakit halos lahat ng mga hair salon ay sarado tuwing Chinese New Year. 

6. Huwag bisitahin ang mga magulang kung maybahay ka na

Kapag ang ikaw ay isang babaeng may sarili nang pamilya, bawal mo raw bisitahin ang bahay ng iyong mga magulang sa New Year’s Day para hindi raw magdala ng kamalasan. Ito ay dahil sa paniniwalang kapag umuwi ang ikinasal nang babae sa kaniyang mga magulang, ibig sabihin nito’y may problema sila ng kaniyang asawa, at hindi ito magandang bagay. Kaya’t maaari lang daw bumisita ang babae sa kaniyang mga magulang sa ikalawang araw ng pagdiriwang.

7. Huwag umutang at maningil 

Kapag daw umutang ka sa Chinese New Year, uutang ka na sa buong taon. Kapag naman naningil ka sa mismong araw ng pagdiriwang, magdadala ka ng malas dahil ang New Year daw ay isang selebrasyon ng pagkakaunawaan at pagsasaya nang walang halong pangamba.

8. Huwag uminom ng gamot

Iwasan daw uminom ng gamot sa unang araw ng Chinese New Year dahil kapag ginawa mo ito, magkakasakit ka raw sa buong taon. Bukod dito, may paniniwala ring bawal bumisita sa doktor, magpabakuna, at isailalim sa operasyon.

9. Huwag ibigay ang New Year blessings sa taong nakahiga pa

Kailangan daw na nakabangon na ang mga taong bibigyan mo ng New Year blessings, dahil kapag nakahiga pa raw ang taong binigyan mo nito, magiging bed-ridden siya sa buong taon. 

Bukod dito, bawal din daw na pilitin ang isang taong bumangon na sa kaniyang higaan para hindi nila maramdaman na minamadali sila sa buong taon. Kaya’t dapat makatulog ang lahat sa New Year nang walang gumagambala sa kanila.

10. Huwag paiyakin ang mga bata

Bawal daw ang umiiyak na bata sa Chinese New Year dahil may paniniwalang nagdadala ng malas sa pamilya ang iyak ng mga paslit. Kaya’t dapat iwasan ng mga magulang na paluin o gumawa ng mga bagay na makapagpapaiyak sa kanilang mga anak, bagkus ay dapat pasayahin nila ang mga ito sa nasabing selebrasyon.

Kung Hei Fat Choi!