"Pagpasensyahan niyo na kung siya ay laging nakabreak o natutulog (baguhan kasi sa trabaho)."
Kinagigiliwan sa social media ang post ng isang restaurant sa San Jose, Nueva Ecija tungkol sa kanilang rescued epileptic dog, na nagsisilbing dog cashier daw nila ngayon.
Sa Facebook post ng Tikya Garden Bistro, ipinakilala nila si "Popoy," ang kanilang epileptic dog na na-rescue noong nakaraang taon.
"Ipinapabatid sa publiko na ang aso sa larawan na ito na nagngangalang Alias 'POPOY' ay ang Bagong itinalagang 'GCASH-IER' sa TIKYA GARDEN BISTRO," saad ng restaurant. "Siya ay rescued epileptic dog ng restaurant at kalahating taon na siyang nagtratraining para umupo.."
Tinawag na GCash-ier si Popoy dahil nakasabit sa collar niya ang QR code ng online o digital wallet ng restaurant.
"Tawagin lamang siya kung nais magbayad gamit ang GCASH," anang TIkya Garden Bistro.
Hirit pa nito, "Bagamat mabait o good boy, pagpasensyahan niyo na kung siya ay laging nakabreak o natutulog (baguhan kasi sa trabaho)."
At ang paborito raw ng tip ni Popoy ay "buto ng crispy pata."
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa Tikya Garden Bistro, napulot nila si Popoy noong Mayo 20, 2024 sa gate nila nang magsasara na restaurant bandang 9 p.m.
Hindi raw maganda ang kalagayan noon ang rescued epileptic dog. Ang pinakamalalang paninigas daw nito ay tumagal nang halos limang minuto. Kahit na gano'n ang kalagayan nito, minahal at inalagaan nila si Popoy.
"Malala po. Talagang parang mamamatay siya. Parati ko siyang sinasabihan na lumaban siya kasi ilalaban ko rin siya. Malaki na rin naubos namin sa vet bill sa kaniya. Pero thank God na-outgrow niya na habang lumalaki siya. Hindi na ulit siya nag-seizures," anang restaurant sa Balita.
Dumuduty daw si Popoy tuwing gabi dahil sa umaga raw ay parati daw itong tulog.
"Usually sa gabi lang po [duty niya] at parati siya tulog from day time 6-8:30 p.m. lang po kinakabit QR code niya."
Matatagpuan ang Tikya Garden Bistro sa 283 Ben Saturno Ave, Brgy R. Eugenio, San Jose City Nueva Ecija.
Samantala, umani ng mga good vibes comment ang naturang post ng restaurant na umabot na sa mahigit 103K reactions, 2K comments, at 35k shares.
"Thank you and God bless, Tikya Garden Bistro!Sana po ay pamarisan kayo ng marami pang establishments. Diyos na po ang bahala sa kabutihan ninyo kay Popoy… mas dadami pa ang inyong mga suki. Siksik, liglig at nag uumapaw na blessing ang kapalit ng inyong kabutihan."
"Sana lahat ng tao maginh mabait sa mga aso at pusa..kndi din lang kaya bgyan pagkain..hwag na lang sasaktan"
"Sana po maslalo pa pong lumago ang bistro niyo po. Salamat po sa pagrescue niyo ng isang Aspin ang sariling atin na aso"
"Thank you so much po sa pag rescue at pag mamahal at pag aalaga kay Popoy Sana madami ang katulad nyo at ng restaurant nyo. God Bless po"
"Gantong business ang dapat tulungan umangat eh"
"congrats sa new job mo, popoy!"
"Sabi nya Aw Aw kapag nareceived na payment."