Iginiit ni Department of Justice (DOJ) Secretary Boying Remulla na hindi maaapektuhan ng National Peace Rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa umano’y naging banta ni Vice President Sara Duterte sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Matatandaang nitong Lunes, Enero 13, nang magtipon-tipon ang mahigit 1.58 milyong miyembro ng INC sa Quirino Grandstand sa Maynila upang ipanawagan daw ang “peace and unity” sa bansa. Kasabay nito ay 12 sites pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nagsagawa ng INC peace rally.
Layunin din daw ng naturang peace rally ang pagpapaabot ng INC ng suporta sa pahayag ni Marcos noong nakaraang taon na huwag nang ituloy ang pagpapatalsik kay Duterte, na sa ngayon ay nahainan na ng tatlong impeachment complaints sa Kamara.
MAKI-BALITA: INC, naghahanda ng rally para tutulan impeachment complaints laban kay VP Sara
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Kaugnay nito, sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes, Enero 14, sinabi ni Remulla na wala siyang problema sa isinagawang peace rally ng INC dahil nirerespeto raw niya ang kalayaan ng mga itong magpahayag ng kanilang mga sarili.
Ngunit, ani Remulla, hindi maiimpluwensyahan ng nasabing peace rally ang kanilang pag-iimbestiga sa mga binitiwang salita ng bise presidente na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM, at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’
“I don't think so, we just have to look at the law as something that equalizes everything between all of us,” ani Remulla.
“That's why we cannot give special favors to people because of standing,” saad pa niya.
Kamakailan lamang ay ibinahagi ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon na natapos na ng NBI ang imbestigasyon nito sa naturang pahayag ni Duterte at nagpadala na raw sila ng mga prosekutor upang suriin ang kanilang ebidensya.
“Depending on the outcome, we will be able to make a recommendation whether to have it considered filed already before the department and/or to return it to the NBI if there is a need to build-up the case further and to add to the evidence they already have,” pahayag ni Fadullon.
KAUGNAY NA BALITA: VP Sara, 'di nagsisi sa 'death threat' niya kina PBBM, FL Liza, Romualdez