January 10, 2025

Home FEATURES Human-Interest

Lalaki, tinupad pa rin panata sa Poong Nazareno kahit 'di makalakad

Lalaki, tinupad pa rin panata sa Poong Nazareno kahit 'di makalakad
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/Balita

Hindi nahadlangan ng kaniyang kalagayan si William Cresidio, 38-anyos, upang tuparin ang kaniyang panata bilang deboto ng Poong Nazareno.

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ibinahagi ni William ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pinsala ang kaniyang kanang binti.

“Sa motor po, lasing po ako. Nag-drive po ako. Sumemplang po,” aniya.

Ayon kay William, 18 taon na raw siyang deboto ng Poong Nazareno. Nagsimula raw ang panatang ito noong magsama sila ng misis niya upang maibsan ang sakit ng mga anak niya at magkaroon ng maginhawang buhay.

Human-Interest

UP Open University, magbibigay ng libreng online courses

Kaya naman kahit may iniinda ang kanang binti, pinilit pa rin niyang makiisa sa pagdiriwang sa ngalan ng kaniyang paniniwala at pananampalataya.

“Tradisyon na po, e. Kumbaga panata na po talaga,” sabi ni William.

Bukod dito, ibinahagi rin niya kung paano raw sinagip ng Poong Nazareno ang isa sa mga anak niya mula sa sakit na leukemia. 

“‘Yong pangalawa ko pong anak, agaw-buhay po. Nagka-[leukemia]. Simula po sumalang po ako rito, nawala po. [...] Tuloy-tuloy po talaga,” lahad ni William.

Kaya ang panawagan niya sa mga kapuwa deboto, ipagpatuloy lang ang pananalig sa Nazareno.

“Totoo po ang Nazareno. Nagpapatawad po talaga.”

Si William ay ama ng kaniyang apat na anak at kasalukuyang naninirahan sa Parola Compound sa Tondo, Maynila.