January 11, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: Ang Pista ng Poong Nazareno noon at ngayon

#BalitaExclusives: Ang Pista ng Poong Nazareno noon at ngayon
Photo Courtesy: Mark Belmores/MB

Natural na bahagi ng pag-iral ang pagbabago mula sa pisikal na anyo hanggang sa mga nangyayari sa paligid. Kung tutuusin, ito nga lang daw ang natatanging permanente sa mundo.

Sa ginanap na Nazareno 2025 noong Huwebes, Enero 9, ano-ano nga ba ang mga napansing pagbabago ngayon ng mga regular na dumadalo sa nasabing pagdiriwang kumpara noong mga nakalipas na taon.

Sa pakikipag-ugnayan ng Balita sa ilang deboto, ibinahagi nila ang nasaksihang pagbabago sa kapistahan sa loob ng mahabang panahong paglalaan ng kanilang sarili bilang mga deboto. 

“Malaki ang pinagkaiba,” lahad ni Teddy Gumba, 52-anyos. “Dati open ang Nazareno. Walang harang. Ang may harang lang kasi noon dati, tao lang. Sa paligid ng karosa ng Nazareno, mga tao ng Quiapo church.”

Human-Interest

UP Open University, magbibigay ng libreng online courses

“Ngayon, may tao sa paligid saka may salamin. Napakahirap na. Makakasampa ka do’n sa harapan lang. Do’n sa may gilid lang. Sa likod naman, makakahawak ka do’n sa pinaka-puwit ng krus,” dugtong pa niya.

Pero tila nauunawaan naman ni Teddy ang pagbabagong ito dahil ayon sa kaniya, may mga deboto raw na walang pakundangan basta makasampa lang sa andas.

“Iniiwasan din nila masira ‘yong poon. Kasi halimbawa depende sa laki mo, ‘pag tumalon ka, nahawakan mo ‘yong [poon], mapipilay ‘yon…o kung anong mahawakan mong bagay.”

Samantala, para naman sa inang si Freza Dagumduman, 28-anyos, mas naging organisado raw ngayon ang kapistahan.

Aniya, “Actually, ngayon mas maganda, e. Unlike dati na halos hindi makita ‘yong poon, e. Mas maganda siya, nakikita na ‘yong mukha pati ‘yong krus. [...] Mas organized ngayon, e. Mas maraming nakakasunod.”

Ngunit kung tatanungin ang tinderang tulad ni Gina Idelfonso, 68-anyos, mahigit isang dekada nang nagbebenta sa Quiapo ng mga panyo at damit na may tatak ng Nazareno, tila matumal daw ang kita ngayong taon.

“Mahina ngayong taon,” saad niya. “Siguro dala ng kahirapan. Pero maraming tao.” 

Matatandaang umabot sa 8,124,050 deboto ang nakiisa sa Traslacion ngayong 2025 kumpara noong 2024 na pumalo lang ng 6,532,501.

MAKI-BALITA: Mas mataas kaysa 2014: Bilang ng deboto sa Nazareno 2025, umabot sa mahigit 8M! 

Patunay ang mga testamentong ito na malayo na talaga ang natatawid na panahon ng Poong Nazareno mula nang dumating ang imahen nito sa Pilipinas noong 1606 bitbit ng mga Augustinian Recollects galing Mexico.

Pero anoman ang maging hinaharap ng kapistahan nito sa mga darating pang taon, isa lang ang siguardo—mahirap nang burahin ang malaking markang iniwan nito sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino.

MAKI-BALITA: Ang 400 taong kasaysayan ng Jesus Nazareno at ang pananampalataya ng mga Pilipino