Lumapit daw minsan ang kontrobersiyal na direktor na si Darry Yap kay showbiz columnist Cristy Fermin para isangguni ang pelikula niyang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Sa latest episode ng “Showbiz Now Na” noong Linggo, Enero 5, ikinuwento ni Cristy na hiningan daw siya ni Yap ng opinyon at payo kung bakit tinanggihan ng Viva ang nasabing pelikula.
“Isang araw, nag-text sa akin si Darryl. Sabi niya, ‘Nanay, pwede ba kitang tawagan? Hihingi lang ako ng opinyon mo saka advice.’ Sabi ko, oo,” lahad ni Cristy.
“Nag-usap kami,” pagpapatuloy ng showbiz columnist. “Sabi niya, ‘Nay, bakit kaya tinanggihan ng Viva itong pelikulang plano kong gawin. 'The Rapists of Pepsi Paloma.' Sabi ko, talagang tatanggihan ni Boss Vic Del Rosario ‘yan dahil ang kaniyang pakikipagkaibigan sa Tito, Vic, and Joey ay malalim pa sa alam mo.”
Dagdag pa niya, “Ang singing career ng Tito, Vic, and Joey ay nagsimula sa Vicor [Music] kay Boss Vic. Hindi niya talaga papayagang siya pa ang maging dahilan para mai-produce at lumabas itong pelikulang ito.”
Matatandaang nauna nang nilinaw ni Yap sa isang Facebook post na wala raw sa ilalim ng Viva ang “The Rapists of Pepsi Paloma” o maging ng pamilya Jalosjos at kalaban sa politika ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
MAKI-BALITA: 'The Rapists of Pepsi Paloma' produced nga ba ng mga Jalosjos, kalaban ni Vico?