Sinuspinde ng Malacañang ang mga klase sa lahat ng antas at trabaho sa gobyerno sa Lungsod ng Maynila at Pasay City sa Lunes, Enero 13, dahil sa isasagawang "National Peace Rally” ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Inanunsyo ito ng Malacañang sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 76 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Biyernes, Enero 10.
“In view of the numerous participants expected to travel to and within the Cities of Manila and Pasay on 13 January 2025 for the ‘National Rally for Peace’ of the Iglesia Ni Cristo, and to allow for the organized conduct of the event, work in government offices and classes at all levels in the Cities of Manila and Pasay shall be suspended on 13 January 2025,” nakasaad sa memorandum.
“However, those agencies whose functions involve the delivery of basic and health services, preparedness/response to disasters and calamities and/or the performance of other vital services shall continue their operations and render the necessary services.”
Ipinauubaya naman ang suspensyon ng trabaho sa mga pribadong kumpanya at opisina sa diskresyon ng kanilang pamunuan.
Matatandaang kamakailan lamang nang ianunsyo ng INC na magsasagawa sila ng malawakang peace rally upang pagbuklurin umano ang mga Pilipino at manawagan ng “peace and unity” sa bansa.
Bahagi rin umano ng naturang rally ang pagpapaabot ng suporta ng INC sa naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na “waste of time” lamang ang pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa puwesto.
MAKI-BALITA: INC, naghahanda ng rally para tutulan impeachment complaints laban kay VP Sara
MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Habang isinusulat ito’y tatlong impeachment complaints ang nakahain sa Kamara laban kay Duterte.