Kasabay ng pagsasagawa ng clearing operations sa paligid ng Quiapo Church, nagtalaga ang Manila Police District (MPD) ng humigit-kumulang 250 personnel upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa First Friday Mass ng simbahan nitong Enero 3.
Ayon sa mga ulat mula sa MPD Sta. Cruz Police Station, nagsimula ang pagtitipon ng mga deboto sa Quiapo Church kaninang 4 a.m.
Pagsapit ng 9 a.m., umabot na sa tinatayang 20,500 deboto dumalo upang magsimba.
Sinimulan ng pulisya ang isang komprehensibong clearing operation na naglalayong alisin ang mga sagabal sa kalsada at tiyakin ang malinaw na daanan patungo sa simbahan.
Tinugunan din ng pulisya ang pagkakaroon ng mga hindi awtorisadong vendor na nagtayo ng mga stall sa mga itinalagang lugar.
Agad na inilipat ang naturang mga manininda upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang karagdagang kasikipan sa distrito.
Bilang bahagi ng pagsisikap na matiyak ang maayos na daloy ng trapiko at mabawasan ang mga abala, inalis kaninang madaling araw ang mga sasakyang nakaparada sa mga no-parking zone malapit sa simbahan.
Samantala, iniulat ng MPD na nananatiling mapayapa ang kaganapan at walang naitalang mga insidente o kaguluhan.
Pinanatili rin daw ang police visibility sa buong lugar upang hadlangan ang anumang potensyal na banta sa seguridad at magbigay ng tulong sa mga dadalo kung kinakailangan.
Diann Ivy Calucin