Kinumpirma ni Presidential Communication Office (PCO) Cesar Chavez na nakatakdang isagawa ng Malacañang sa Enero 11, 2025 ang taunang Vin d'Honneur na dinadaluhan ng ilang opisyal at diplomatic leaders ng bansa.
Ang “Vin d’Honneur” ay isang French terminology na nangangahulugang “wine of honor.” Dalawang beses kada-taon isinasagawa sa Malacañang ang nasabing tradisyon upang simulan ang pagpasok ng Bagong Taon (Enero) at gunitain ang pagdiriwang ng kalayaan ng bansa (Hunyo).
Matatandaang inulan ng samu’t saring reaksiyon ang nakaraang Vin d’Honneur na isinagawa noong Hunyo 2024, matapos mapansin ng netizens ang video nina First Lady Liza Marcos at Senate President Chiz Escudero kung saan makikita ang naging pag-inom ng First Lady sa wine glass ng Senate President. Pagkatapos niyang uminom, muling ibinalik ng unang ginang ang wine glass sa pangulo ng Senado saka nakihalubilo sa iba pang guests, habang mapapansin ang pagtawa ni Escudero at inabot ang baso.
KAUGNAY NA BALITA: Pag-inom ni FL Liza sa wine glass ni SP Chiz, usap-usapan
Samantala, wala pang inilalabas na detalye ang Palasyo kung sino-sinong diplomat leaders ang imbitado sa nasabing kauna-unahang Vin d'Honneur ngayong 2025.