Nagbigay ng pahayag ang celebrity-doctor at senatorial aspirant na si Doc Willie Ong hinggil sa benepisyong dapat ay natatanggap ng mga cancer patient sa Pilipinas.
Sa isang Facebook post ni Ong nitong Lunes, Disyembre 16, nanawagan siyang gawing libre ang chemotherapy ng mga pasyenteng may cancer.
“Dapat LIBRE ang chemotherapy ng lahat ng cancer patients. At least 1 million each mula sa PhilHealth. 600 billion diumano ang reserve funds ng PhilHealth kaya kayang-kaya dapat ito,” saad ni Ong.
“Sa ngayon iilang Cancers lang ang covered by PhilHealth. PAANO pa yung mga Angiogram, Angioplasty, Heart Bypass, CT SCAN, MRI, PET SCAN, Hindi ba dapat libre na rin?” aniya.
Dagdag pa niya, “Common sense lang: Milyon ang namamatay (mga nanay tatay at anak natin) dahil sa 600 Bilyon na iniipon na reserve funds. Alam ko naman ang tunay na dahilan bakit nila iniipon yan.”
Matatandaang isa si Ong sa mga indibidwal na nagpapagaling mula sa sakit ng cancer. Inanunsyo niya noong Setyembre na nakitaan daw siya ng mga doktor ng 16 x 13 x12 centimeter sarcoma sa kaniyang tiyan.
MAKI-BALITA: Doc Willie Ong, na-diagnose na may cancer
Ngunit ayon sa kaniyang Facebook post noong Disyembre 9, sinabi niyang matatapos na raw ang pagsailalim niya sa 6 sessions ng chemotherapy.
MAKI-BALITA: Doc Willie, malapit nang matapos ang 6 sessions ng chemotherapy