Natanong ng showbiz news reporters ang isa sa mga ehekutibo ng GMA Network na si GMA senior vice president for programming, talent management, worldwide and support group at president ng GMA Pictures na si Atty. Annette Gozon-Valdes kung totoo ba ang mga kumakalat na tsikang kaya hindi pa mapagdesisyunang i-renew ang blocktime airing ng ABS-CBN noontime show na "It's Showtime" sa GMA Network ay dahil daw sa hindi pa nababayarang utang.
Sa ginanap na "Konsyerto sa Palasyo" nitong Linggo, Disyembre 15, nilinaw ni Annette na walang katotohanan ang tungkol sa isyung ito.
Kaya raw na-delay ang tungkol sa renewal ng kontrata ay dahil may hinintay pa raw silang "data," na hindi naman tinukoy kung ano.
Pero sinabi ng GMA exec na nasa 95% na ang posibilidad na mai-renew nila ang airing ng nabanggit na Kapamilya noontime show sa kanilang bakuran.
"May hinintay kaming data, kaya natagalan ulit kaming bumalik sa kanila. Pero, siguro mga 95% [renewal] wala namang problema kasi, konting pag-uusap lang," sey ni Gozon-Valdes.
Natanong din siya kung totoo rin bang kung sakaling hindi ma-renew ang Kapamilya noontime show, ang isasalpak nila sa time slot ay "TikToClock" na nasa pre-programming nito sa umaga.
"As of now kasi, parang ang priority is to renew Showtime, basta magkaayos lang doon sa terms," aniya.
Pagdating naman daw sa TV ratings, wala raw silang problema sa show dahil mataas daw ang rating nito.
Nang matanong naman tungkol sa isyu ng utang, mabilis na sumagot ang GMA executive.
"Ay hindi, wala, wala silang utang," paglilinaw mismo ni Gozon-Valdes.
Matatapos na raw ang kontrata ng Showtime sa GMA sa pagtatapos ng 2024, kaya abangan na lang daw soon ang announcement ng contract renewal nila, kung mangyari man.
MAKI-BALITA: Negosasyon sa renewal ng It's Showtime sa GMA, pinoproseso na!
MAKI-BALITA: It's Showtime hanggang December 2024 na lang daw sa GMA, papalitan ng TiktoClock?'