Inaasahang maita-transfer na sa Pilipinas si Mary Jane Veloso sa darating na Miyerkules, Disyembre 18.
Kinumpirma ito ni Indonesian Acting Deputy for Immigration and Corrections Coordination Nyoman Gede Surya Mataram sa isang press conference nitong Lunes, Disyembre 16.
Nitong Linggo, Disyembre 15, nang ilipat na si Veloso mula sa kaniyang kulungan sa Yogyakarta patungong Jakarta, Indonesia upang simulan ang proseso para sa kaniyang pag-transfer sa Pilipinas.
Sa pag-transfer ni Veloso sa Pilipinas, mananatili siya sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
Matatandaang taong 2010 nang arestuhin si Veloso, na ngayon ay 39-anyos, sa Indonesia at sentensiyahan ng parusang kamatayan noong 2015 dahil umano sa pagtatangkang magdala ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia.
Sa kaniyang paglilitis, iginiit ni Veloso na nalinlang lamang daw siya at hindi niya alam na may droga sa loob ng maletang dala-dala niya patungong Indonesia, na mula sa kaniyang recruiter.