January 22, 2025

Home BALITA National

Poe sa pagbibigay ng 'zero subsidy' sa PhilHealth sa 2025: Tinuturuan natin sila ng leksyon

Poe sa pagbibigay ng 'zero subsidy' sa PhilHealth sa 2025: Tinuturuan natin sila ng leksyon
photo courtesy: PhilHealth, Senate of the Philippines/FB

Ipinaliwanag ni Senador Grace Poe kung bakit nagbigay ang bicam ng "zero subsidy" sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa fiscal year 2025. 

Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP) mayroong ₱74.43 bilyon ang PhilHealth at binabaan pa ito ng Senado sa halagang ₱64.419 bilyon. Ngunit sa pagtatapos ng bicameral conference committee meeting, tuluyan nang tinanggal ng subsidy ang ahensya. 

Kinuwestiyon ni Senador Aquilino "Koko" Pimentel ang naturang desisyon. 

"Kinailangan pa ba natin na i-zero talaga si PhilHealth to free up ₱74 billion, Mr. President?" tanong ng senador.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Para kay Senador Grace Poe, mayroon pa raw kasing ₱600 bilyon na reserve funds ang PhilHealth.

"There's no denying that PhilHealth has savings amount of ₱600 billion... Hindi natin maintindihan kung bakit hindi nila ginagamit 'yong pera na nandoon na mayroon sila na nakaimbak sa savings account na ang kinikita ay mas mababa pa kaysa sa inflation," saad ng senadora kamakailan.

"Mr. President, hindi puwedeng sisihin na nagkulang tayo sa pagbibigay sa kanila kasi nga ang daming pera na nandyan. Hindi nila pinamimigay 'yong pera doon sa mga nangangailangan, tinuturuan din natin sila ng leksyon. Kung bigay ka nang bigay, nandoon lang 'yong pera hindi naman nagagamit, papaano naman 'yong mga ibang programa rin ng gobyerno na nangangailangan din ng funding?" dagdag pa niya. 

Matatandaang ni-ratify na ng Senado at Kamara noong Miyerkules, Disyembre 11, ang pinal na bersyon ng panukalang mahigit ₱6.352-trillion national budget para sa 2025, kung saan pirma na lang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kailangan para tuluyan na itong maging batas. 

 Ayon sa Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Disyembre 12, nakatakdang lagdaan ng pangulo ang 2025 national budget bago sumapit ang Pasko.

BASAHIN: PBBM, lalagdaan 2025 national budget bago mag-Pasko – PCO