December 12, 2024

Home FEATURES Kahayupan (Pets)

May sakit na, inabandona pa ng pamilya? Fur mom, umapela para sa rescued cats

May sakit na, inabandona pa ng pamilya? Fur mom, umapela para sa rescued cats
Photo courtesy: Mary Rose Desales (FB)

Nananawagan sa publiko at kumakatok sa puso ng bawat isa ang isang fur parent mula sa City of San Jose Del Monte, Bulacan, sa anumang tulong na maibibigay para sa kaniyang rescued stray cats na hindi na niya mapakain dahil sa kakapusan sa budget, dulot na rin ng pagkakasakit at kawalan ng permanenteng trabaho.

Ayon sa Facebook posts ng gurong si Mary Rose Desales, hindi na niya mapakain ang stray cats na nailigtas niya dahil sa kawalan ng perang pambili ng pagkain para sa kanila.

Kaya ang ibang stray cats, lalo na ang mga kuting, ay unti-unti nang nangamatay.

Sa kabila ng kakapusan sa budget, hindi raw hihinto si Desales sa kaniyang ginagawa. Para sa kaniya, pamilya na ang turing niya sa lahat ng mga pusang kasama niya sa bahay.

Kahayupan (Pets)

Libreng kapon sa mga pusang 'Maris' at 'Anthony' ang pangalan, handog ng isang veterinarian

"Pamilya ko po sila hindi mga alaga. Daming may sabi pamigay ko na, surrender ko sa pound. Pinapatay po mga pusa at aso sa pound at hindi lahat ng naga-adopt matino. Iyong iba pinapakain sa ahas mga kuting," aniya sa kaniyang Facebook post noong Disyembre 3.

"80% po ng mga rescue ko kuting pa lang noong na-rescue ko. Binuhay ko ng ilang taon tapos papatayin lang ng iba? Iyan po ang hindi maintindihan ng iba."

"Alam ko rin po na hindi niyo kami obligasyon kaya humihingi po ako ng pasensya. May awa ang Diyos, makaka-ahon din ako. Sa ngayon, need lang po namin ng pang-unawa at tulong. No bashing po. Gusto lang po nila mabuhay. Pamilya ko po sila. Salamat po."

ANG "CHERROSE" NI MARY ROSE

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mary Rose, sinabi niyang mahilig na talaga siya sa pusa, kaya naman nagtayo siya ng sariling "home" na kakalinga sa stray cats, simula pa noong 2021.

"I have been rescuing and feeding stray cats since 2021," aniya.

Pero tuluyan niyang naitatag ang kaniyang "CherRose Home of Mimings" noong 2022.

Ngayong 2024, wala na siyang budget dito matapos magkasakit ng pneumonia at nahinto sa pagtatrabaho. Hindi maatim ng kalooban ni Mary Rose na unti-unting mamatay ang mga alaga, kaya lakas-loob na siyang nagpo-post ng mga larawan at video sa social media upang kumatok sa puso ng mga kakilala at netizens, at upang makarating na rin sa kaalaman ng mga samahang nagsusulong ng kapakanan ng mga hayop, lalo na ng mga pusa at maging aso.

Noong may budget pa siya at may trabaho, nagawa niyang ipakapon ang mga alagang pusa at pabakunahan ng anti-rabies. Hindi raw siya nangingiming damputin ang mga pusang nakakalat sa kalye, lalo na ang mga kuting na talagang sinadyang itapon dahil nakasilid pa sa plastik.

"As of now, cat food: Zoie cat ang dry food nila, wet food nila at rice (tapos hinihingi ko po iyan sa karinderya) pero sarado na yung karinderya. I have 22 cats, all rescued from the streets. Pinapakapon ko po half noon. All with anti-rabies vaccine. Lately may napulot ako mga kuting sa plastic. Kaya nadagdagan po," aniya.

Humihingi rin siya ng mga pagkain sa karinderyang malapit sa kanila para lamang may maipakain sa mga alaga, subalit sa kasalukuyan ay nagsara na ang nabanggit na kainan.

Bukod sa mga alaga sa bahay, umiikot pa raw siya sa mga lugar sa kanilang barangay upang magpakain ng stray cats.

"I am also feeding around 18 stray cats in the area dito sa Barangay Tungkong Mangga po," aniya.

NAGKASAKIT, INABANDONA PA RAW NG PAMILYA

Nagtrabaho rin siya sa Libya bilang guro subalit agad na napauwi sa Pilipinas sa tulong ng Philippine Embassy dahil sa mga kaguluhan doon.

Photo courtesy: Mary Rose Desales (FB)

Itinuturing daw na pamilya ni Mary Rose ang mga alagang pusa matapos siyang iwanan ng kaniyang ina at mga kapatid, kasabay pa ng kaniyang pagkakasakit.

Naremata raw ang kaniyang biniling bahay sa Muzon kaya nakikitira daw siya sa bahay ng iba bilang caretaker.

"Inabandona po ko ng nanay at mga kapatid ko after years of being a breadwinner," ani Mary Rose.

Hindi na idinetalye ni Mary Rose ang dahilan ng pag-abandona sa kaniya ng pamilya.

PANAWAGAN PARA SA MGA ITINUTURING NGAYONG "PAMILYA"

Kaya naman, nagsusumamo si Mary Rose sa lahat ng cat lovers at may mabuting loob na netizens na tulungan siyang mabuhay pa ang kaniyang mga iniligtas na alagang pusa, na itinuturing niya ngayong pamilya.

Kahit marami raw ang nagsasabing isuko na niya sa city pound ang mga pusa, hinding-hindi raw niya gagawin iyon.

"Mga rescued cats ko na lang po ang pamilya ko kaya hindi ko sila igi-give up."

"'Yong iba po kasi sinasabi pamigay ko or bigay sa pound, eh pinapatay lang naman nila mga pusa at aso sa city pound. At hindi lahat ng nag-aadopt matino. Iyong iba pinapakain sa ahas mga kuting."

"Iyan po ang hindi maintindihan ng ibang tao. 80% mga rescue ko po dito ay kuting pa talaga noong nakuha ko sa kalye. Nabuhay ko tapos mamamatay lang sa kamay ng iba. So no no po akong ipamigay sila. Pamilya ko po sila hindi mga alaga."

Photo courtesy: Mary Rose Desales (FB)

Para sa mga nagnanais na magpaabot ng tulong kay Mary Rose, mangyaring makipag-ugnayan lamang sa kaniyang Facebook account, o maaaring magpadala ng tulong-pinansyal sa pamamagitan ng kaniyang e-wallet.

GCash Number: 0995-384-1915
GCash Name: Mary Rose Desales