Pinabulaanan ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman Joel Chua na may naungkat daw na usapin ng impeachment sa pagbisita ng ilang miyembro ng House of Representatives sa Malacañang noong Miyerkules ng gabi, Disyembre 4, 2024.
Sa panayam ng Unang Balita kay Rep. Chu nitong Huwebes, Disyembre 5, nilinaw niya na tanging resolusyon lang daw ang naging pakay nila sa Palasyo kung saan tinawag nila itong “fellowship.”
“Ay wala po. Wala pong napag-usapang impeachment. Nagpunta lang po doon kasama yung ibang congressman ata party leaders, binigay lang sa Presidente yung resolusyon na ipasa ng House expressing full support to the President,” ani Chua.
Ayon pa kay Chua, nasa 200 mga mambabatas daw ang dumalo sa naturang fellowship na natapos daw sa ganap na 8:00 ng gabi.
“Pagkatapos po noong nagsalita po ang Pangulo, nagpasalamat sa mga miyembro at in-encourage na magtrabaho lang. Iyon lang po. Tapos po ay nagkaroon ng konting picture taking, nagkaroon ng dinner,” anang Committee Chair.
Matatandaang naging usap-usapan ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. patungkol sa pagtutol daw niya sa Kamara na ituloy ang impeachment kay Vice President Sara Duterte.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara
Samantala, kamakailan lang ay muli ring nilanaw ng Malacañang na wala rin daw silang alam o kaugnayan hinggil sa pag-usad nang paghahain ng mga impeachment cases kay VP Sara.
KAUGNAY NA BALITA: Malacañang, walang kinalaman sa impeachment complaint laban kay VP Sara – Bersamin