Nagkaroon ng contract signing sa pagitan ng FPJ Productions at GMA Network upang muling ibalik ang mga klasikong pelikula ni Fernando Poe, Jr. o “Da King.”
Sa ulat ng GMA News nitong Martes, Disyembre 3, pinasalamatan ng anak ni Da King na si Senator Grace Poe ang naturang network para sa pagpapahalaga nito sa ambag ng kaniyang ama sa sining.
“Nais kong pasalamatan ang GMA Network. Mula sa akin at sa aming pamilya, maraming salamat sa pagpapahalaga sa alaala at sa sining ni FPJ,” saad ni Poe.
Dagdag pa niya, “Twenty years na nang namayapa si FPJ pero dahil sa mga pelikula niya at patuloy na napapanood ng ating mga kababayan ay naaalala pa rin siya.”
Samantala, kinilala naman ni GMA Network Senior Vice President Atty. Annette Gozon-Valdez ang impluwensiyang naipunla ni Da King sa isip at puso ng mga Pilipinong manonood.
Aniya, “He indeed was and still is the King of Philippine Cinema whose influence has been ingrained within our culture and within the hearts and minds of every Filipino.”
“As we commemorate Da King's life and legacy, it is an honor to be able to showcase restored FPJ classics to our Kapuso viewers," dugtong pa niya.
Magsisimulang umere ang mga digitally-restored FPJ classics sa GMA Network sa unang quarter ng 2025.