December 02, 2024

Home BALITA

Sen. Pimentel, tinawag na 'selfish political motives' ang panawagang mag-rally sa EDSA

Sen. Pimentel, tinawag na 'selfish political motives' ang panawagang mag-rally sa EDSA
Photo courtesy: File Photo and PDP Laban/Facebook

Tahasang kinondena ng paksyon ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na pinamumunuan ni Sen. Koko Pimentel at Party President Manny Pacquiao ang naging panawagan daw ng paksyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na tumungo ang taumbayan sa EDSA Shrine. 

Sa inilabas na pahayag ng paksyon ng PDP Laban nitong Lunes, Disyembre 2 na nasa ilalim ni Sen. Pimentel, tinawag nilang makasarili ang naging panawagan ng paksyon ni FPRRD at taliwas daw ito sa tunay na prinsipyo ng naturang partido.

“Their call for disturbance and their misuse of the party name for selfish political moves is a betrayal of the principles upon which the PDP Laban was founded--principles of justice, peace, and the rule of law,” saad PDP Laban Pimentel wing.

Dagdag pa nito, marami na raw pinagdaanan ang bansa at hindi na raw nito kailangan pa ng mas magulong gobyerno dulot ng umano’y “personal agendas.”

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

“The Philippines has faced enough challenges, and the last thing our nation needs is division and destabilization at the hands of those who prioritize personal agendas (sic) over the welfare of the Filipino people,” anang partido.

Matatandaang noong Linggo, Disyembre 1, nang maglabas ng pahayag ang PDP-Laban na nasa paksyon ni FPRRD at humihimok na umalma raw sa umano’y “pamomolitika” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.

“Ilabas ang iyong saloobin sa panggigipit at tahasang pamumulitika ng administrasyong Marcos. Mulatin natin ang mga naka-pikit at nagbibingibingihan. Kailangan tayo ng taumbayan. Halika na't makiisa!” saad ng PDP-Laban Duterte wing. 

Nobyembre 26 pa nang magsimulang dumayo ang ilan sa mga tagasuporta raw ng pamilya Duterte upang ihayag ang kanila raw pag-alma sa umano’y hindi tamang pagtrato ng administrasyong Marcos, Jr. kay Vice President Sara Duterte. 

KAUGNAY NA BALITA: Mga tagasuporta ni VP Sara, nagtipon-tipon sa EDSA Shrine