December 04, 2024

Home BALITA National

Sen. Imee, naniniwalang itutuloy ng Kongreso impeachment vs VP Sara

Sen. Imee, naniniwalang itutuloy ng Kongreso impeachment vs VP Sara
MULA SA KALIWA: Sen. Imee Marcos at VP Sara Duterte (file photo)

“Siguradong makakalusot ‘yan sa Kongreso…”

Naniniwala si Senador Imee Marcos na itutuloy pa rin ng Kongreso ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte kahit pa sinabi ng kapatid niyang si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pag-aaksaya lamang ito ng oras.

Sa panayam ng DWIZ nitong Sabado, Nobyembre 30, sinabi rin ni Sen. Imee na abala raw siya ngayon sa impeachment laban kay VP Sara ngayong linggo.

“Abala ako dito sa impeachment na ipapadala ng Kongreso… Mukhang itutuloy naman nila talaga at yun talaga ang plano,” ani Sen. Imee.

National

Pinili ng Santo Papa: Rector ng Quiapo Church, bagong obispo ng Diocese of Balanga

Samantala, ipinahayag din ng senadora na magdudulot lamang umano ng pagkakawatak-watak ng bansa ang naturang balak na pagpapatalsik sa bise presidente.

“Very polarizing ito eh, watak-watak na nga tayo, nagiging Luzon vs Vis-Min (Visayas-Mindanao) tayo. Ang sagwa naman. Laging naririnig ko sa tatay ko (dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.), laging sigaw niya eh talagang isang bansa, isang diwa,” saad ni Sen. Imee.

“Sa ginagawa at sa nangyayari, lalo’t higit kapag natuloy ang impeachment na ‘yan, aba’t hindi lang partido o kaalyado, hindi lamang politika, kundi talagang winawatak mo yung buong kapulungan,” saad pa niya.

Sa kabila nito, sinabi ni Sen. Imee na makakalusot daw sa Kongreso ang usap-usapang ihahaing impeachment complaint laban kay VP Sara.

“Siguradong makakalusot ‘yan sa Kongreso kasi kung anuman ang ninanais ng liderato doon ay nasusunod naman, at mukhang yun naman ang direksyon,” saad ng senadora.

Kung matuloy ang impeachment complaint, ani Sen. Imee, gagawin daw ng Senado ang trabaho nitong dinggin ang reklamo.

“Sana talagang utusan na ng ating pangulo ang Congress na huwag nang pilitin itong mga impeachment. Kung may kaso, mag-file ng kaso. Huwag nang pagwatak-tatakin ang ating bansa, dahil hindi nga nakakatulong. Paskong pasko pa,” saad pa niya.

Matatandaang naging usap-usapan ang posibleng impeachment complaint umano na ihahain laban kay VP Sara matapos nitong isiwalat noong Sabado, Nobyembre 23, na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito ang pangulo at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!

Binuweltahan naman ni PBBM si VP Sara kamakailan at iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.

MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'

Samantala, nilinaw naman ni VP Sara na hindi umano pagbabanta sa pangulo ang kaniyang mga pahayag, kundi tungkol daw sa pangamba sa kaniyang buhay.

MAKI-BALITA: VP Sara sa ‘assassination threat’ niya vs PBBM: ‘Maliciously taken out of logical context’

Kaugnay nito, sinabi ni PBBM na pag-aaksaya lamang umano ng oras ang pagsasampa ng impeachment complaint laban sa bise presidente.

MAKI-BALITA: PBBM, iginiit na 'waste of time' lang pag-impeach kay VP Sara