Tahasang sinagot ni Vice President Sara Duterte ang naging pahayag ni Zambales 1st. District Jay Khonghun tungkol sa pagiging “atat” at umano’y ambisyon ng Bise Presidente na maging Pangulo.
Sa ambush interview ng media kay VP Sara noong Sabado, Nobyembre 30, 2024, bumwelta ang Pangalawang Pangulo sa naturang pahayag ni Khonghun.
“The presidency of 2022 was mine already. Nanalo na ako sa surveys, lahat ng tao solid na, united na for my candidacy. Pero I gave it away because I felt I had to do some other things other than being president of the Republic of the Philippines,” ani VP Sara.
Matatandaang kamakailan lang ay iginiit ni Khonghun na ang ambisyon daw ni VP Sara na maging Pangulo ng bansa ang siyang naging dahilan ng kaguluhan umano sa gobyerno.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Bato ipinagtanggol si VP Sara: 'Hindi siya atat maging Presidente!'
“Huwag nila ako i-gaslight into saying na ako ang dahilan ng kaguluhan na ito. Ang kaguluhan na ito ay nagsimula sa terrorism nila, sa harassment nila, sa threats nila sa mga personnel ng Office of the Vice President,” anang Pangalawang Pangulo.
Kinumpirma din ni VP Sara na nakahanda raw siyang dumalo sa sususnod pang pagdinig Kamara upang samahan daw ang iba pa niyang tauhan sa OVP, kaugnay pa rin ng umano’y kuwestyonableng paggamit ng pondo ng kaniyang opisina at Department of Education (DepEd) na noo’y nasa ilalim ng kaniyang liderato.
“They really feel safer and medyo kumakalma sila kung nandyan ako,” giit ng Bise Presidente. Samantala, nagpasalamat naman ang Bise Presidente sa mga tagasuporta ng pamilya Duterte na nasa EDSA Shrine magmula pa noong Nobyembre 26 maging ang ilang nanatili rin umano sa labas ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
KAUGNAY NA BALITA: Duterte supporters, mananatili sa EDSA Shrine hanggang sa bumaba sa puwesto si PBBM
“Nagpapasalamat din kami sa mga supporters namin na nasa EDSA Shrine and syempre ‘yung iba pa na kahit hindi namin supporters ay nagpapalabas ng kanilang saloobin sa mga nangyayari ngayon dahil nagbabantay din sila sa mga pasyente natin dito sa Veterans Hospital,” saad ni VP Sara.