Nilinaw ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na wala silang espesyal na pagtrato para sa aktres at negosyanteng si Neri Naig Miranda na kasalukuyang nakakulong sa Pasay City Jail Female Dormitory matapos arestuhin ng mga pulis noong Nobyembre 23, dahil sa 14 counts ng violation sa securities regulation code, at syndicated estafa.
Sa panayam ng ABS-CBN News na umere sa TV Patrol kay JSupt. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng BJMP, sinabi niyang walang special treatment kay Miranda na kasa-kasama ang iba pang mga nakapiit sa nabanggit na city jail.
"Limited lang po talaga ang space doon. Nasa 150 PDL doon so nakasama na niya 'yong ibang PDLs," saad ni Bustinera.
Samantala, inaasahang sa kulungan na magdiriwang ng Pasko at sasalubungin ang Bagong Taon ni Neri matapos ma-reset ang arraignment o pagbasa ng sakdal sa kaniya, na isasagawa sa Enero 9, 2025.
Naantala ang arraignment dahil sa apela ng kampo ni Neri na ibasura ang kaso ng korte laban sa kaniya.
Saad naman ng legal counsel ni Neri na si Atty. Aurelio Sinsuat na wala pa silang opisyal na pahayag sa ngayon, kaya hindi muna sila makapagbibigay ng komento.
MAKI-BALITA: Neri Miranda, posibleng magdiwang ng Pasko sa Pasay City Jail