January 03, 2025

Home FEATURES

Si Bonifacio at ang makasaysayang hiwalayan ng KathNiel

Si Bonifacio at ang makasaysayang hiwalayan ng KathNiel

Isa si Andres Bonifacio sa mga malalaking personalidad na nagmarka sa kasaysayan ng Pilipinas. Hindi matatawaran ang kontribusyon niya sa pakikibaka para sa isang mas malaya at makatarungang lipunang malayo sa anomang anyo ng abuso at pananamantala.

Siya lang naman ang namuno at nagtatag ng isang kilusang naghimagsik laban sa mga Kastilang mananakop noong 1892 na binansagang Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan o KKK.

Ang kilusang ito ay nag-anak ng mas marami pang pag-aalsa. Sa katunayan, hanggang ngayon, patuloy na umiiral ang diwang sinimulang buhayin ni Bonifacio kahit wala na siya rito sa mundo. Matatagpuan pa rin siya sa mga tula, kuwento, pelikula, pinta, iskultura, at kanta.

Kaya sa pagi-pagitan ng panahon, nariyan ang kaliwa’t kanang protesta at demonstrasyon sa mga kalsada mula sa sektor ng manggagawa, estudyante, katutubo, at iba pa. Tumututol sila tulad ni Bonifacio. Nagtatanong at pumapalag din sa anomang hindi makatuwirang polisiyang ipinapatupad ng mga nasa kapangyarihan. 

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

MAKI-BALITA: Hu u, Andres? O kung bakit lagi’t lagi kang kailangang i-undress

Pero sino ang mag-aakalang darating sa puntong ang araw ng kapanganakan ni Bonifacio na inilaan sa kaniya para gunitain ang makabuluhan niyang buhay ay masasapawan ng pangyayaring lubhang nakadurog sa puso ng sambayanang Pilipino—ang hiwalayang KathNiel?

Sa pamamagitan ng Instagram post, Nobyembre 30, 2023, nagulantang ang halos lahat ng Pilipino nang tuluyang basagin ni Kathryn Bernardo ang kaniyang pananahimik hinggil sa umuugong na breakup nila ng kaniyang kasintahan at ka-loveteam na si Daniel Padilla.

“Chapter closed. I hope this finally helps all of us move forward,” saad ni Kathryn sa caption ng kaniyang post kalakip ang serye ng mga larawan nilang dalwa ni Daniel.

Dagdag pa niya, “I’m well aware of the rumors and speculations going around, and as hard as it is to put everything into words, I want you to hear it straight from me: It’s true that Deej and I have decided to part ways."

Sa pareho ring araw, sinegundahan ni Daniel ang post na ito ni Kathryn na mababasa sa Instagram account nito ngunit ngayon ay burado na.

"Thank you for dancing with me during my highs and thank you for singing with me during my lows. Our lives may drift away, but our love will still ride that tide,” aniya.

Sa gayong paraan nagtapos ang relasyon ng dalawa na tumagal ng higit isang dekada. Matatandaang nagsimulang isilang ang tambalang KathNiel nang unang nagkasama sina Kathryn at Daniel sa isang youth-oriented show na “Growing Up” na umere noong Setyembre 21 hanggang Pebrero 2012.

MAKI-BALITA: Kathryn, Daniel, hiwalay na

MAKI-BALITA: Daniel, kinumpirmang hiwalay na sila ni Kathryn

Sabagay, malaki rin naman ang kontribusyon ng KathNiel sa bayan kung tutuusin. Marami silang kabataang pinakilig sa kanilang mga pelikula at teleserye. Marami silang naturuang magmahal. Ilang Pilipino nga ba ang nangarap magkaroon ng kasintahan na ipinadron sa KathNiel ang ideyal na pag-ibig?

Kaya interesenteng itanong, sa bansang kay daling makalimot, ano kayang magiging kalagayan ng araw ni Bonifacio sa hinaharap? Mas maaalala kaya ng marami ang KathNiel kaysa kay Bonifacio tuwing sasapit ang Nobyembre 30? 

Ewan. 

Panahon na lang siguro ang makakapagsabi.