Nakiusap si Manila 6th District Rep. Benny Abante kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte na itigil na ang girian at unahin ang pangangailangan ng mga Pilipino.
Sinabi ito ni Abante nang tanungin ng Balita sa isinagawang Machra's Balitaan sa Harbor View nitong Huwebes, Nobyembre 28.
“Sana tapusin na natin ‘yung politicking dito. Sapagka’t kailangan mag-concentrate tayo sa pangangailangan ng bayan natin,” ani Abante.
Ayon pa sa mambabatas, isang beses lamang daw nagsalita si Marcos hinggil sa mga tirada sa kaniya ni Duterte dahil mas “concerned” daw ito sa kalagayan ng mga Pilipino.
“Si President Marcos naman eh ngayon lang nagsalita eh. Tahimik siya eh. He’s more concerned about the plight of our people more than anything else,” ani Abante.
“Ang advice ko lang kay Vice President, eh sabi niya hindi siya makakapunta sa ibang mga hearings namin sapagka’t she will be more occupied sa gawin ng isang vice president, so maganda yun kung talagang she will confine herself in helping our people more than attacking the administration,” saad pa niya.
Matatandaang noong Sabado, Nobyembre 23, nang isiwalat ni Duterte na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si Pangulong Ferdrinand “Bongbong” Marcos Jr., at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Binuweltahan naman ni PBBM sa isang pahayag nitong Lunes si VP Sara, kung saan iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Samantala, sa isang panayam noong Martes, Nobyembre 26, sinang-ayunan ng bise presidente ang naging pahayag ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na “drug addict” umano si Marcos.
MAKI-BALITA: VP Sara, sang-ayon sa 'assumption' ni FPRRD na 'drug addict' si PBBM