Iginiit ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na “insignificant” at maliit na bagay lamang umano ang mga kinahaharap na isyu ngayon ng anak niyang si Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 25, sinabi ni FPRRD na kayang kaya raw ni VP Sara ang mga isyung kinahaharap niya at hindi naman daw ito makukulong kahit makasuhan pa.
“Kay Inday, wala yun. Kaya niya ‘yan. Insignificant masyado. Kasuhan man nila si Inday, edi kasuhan nila. Hindi naman makulong ‘yan,” ani FPRRD.
“Hindi talaga magpapakulong ‘yan. Kung ipapatay mo 'yan, uuwi ng Davao 'yan,” dagdag pa niya.
Sinabi ito ng dating pangulo matapos isiwalat ng Department of Justice (DOJ) na mag-iisyu na ang National Bureau of Investigation (NBI) ng subpoena kay VP Sara dahil sa naging pahayag nitong ipapapatay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung napatay siya.
MAKI-BALITA: VP Sara ipapa-subpoena ng NBI at DOJ; posible raw makasuhan
Matatandaang noong Sabado, Nobyembre 23, nang isiwalat ni VP Sara na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM, at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Binuweltahan naman ni PBBM sa isang pahayag nitong Lunes si VP Sara, kung saan igniit niyang hindi ito dapat palampasin.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Samantala, sinagot din ng bise presidente ang nasabing pagbuwelta ng pangulo, at sinabing hindi rin daw niya papalagan ang ginagawa sa kaniya nina PBBM.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbuwelta sa kaniya ni PBBM: ‘Papalagan ko rin ginagawa nila sa’kin!’
Sina PBBM at VP Sara ang mag-running mate noong 2022 national elections sa ilalim ng ticket ng UniTeam.