Nagbigay ng mensahe si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga Pilipino sa gitna ng girian sa pagitan ng kaniyang pamilya at kampo ng mga Marcos.
Sa isang press conference nitong Lunes ng gabi, Nobyembre 25, tinanong si FPRRD kung ano ang maipapayo sa mga nais daw siyang mapakinggan upang magkaisa muli ang mga tao sa gitna ng giriang Marcos-Duterte.
“To all Filipinos now listening to me, punta kayo kay Marcos lahat. Tingnan natin kung anong mangyari,” giit ni FPRRD. “Mga Pilipino, nakikiusap ako, punta kayo kay Marcos.”
Samantala, sinabi naman ng dating pangulo na hindi umano sila nakikipagkompetensya kay Marcos.
“Hindi kami nakikipag-contest kay Marcos. Never,” ani FPRRD.
“Wala kaming bilyong-bilyon, trilyon, na nakadeposito sa kung saan-saang bangko. Sa utak lang ‘yan ni Trillanes,” dagdag pa niya, na pinatutungkulan si dating Senador Antonio Trillanes na naggiit sa House Quad Comm hearing kamakailan na mayroon umanong bank document na magpapatunay ng aniya’y ₱2.4 bilyong transakyong nai-deposit daw sa pamilya Duterte mula 2011 hanggang 2015.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, magsasampa raw ng libel case laban kay Trillanes
Kasalukuyang nagkakaroon ng tila alitan ang kampo ng mga Duterte at Marcos, partikular na sina PBBM at VP Sara, matapos magalit ang bise presidente nang i-cite in contempt ng Kamara ang kaniyang chief of staff na si Atty. Zuleika Lopez dahil umano sa liham ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) na naglalaman na huwag ilahad sa House committee ang audit nito sa ahensya.
Sa isang virtual press conference noong Sabado, Nobyembre 23, isiniwalat ni VP Sara na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM, at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!
Binuweltahan naman ni PBBM sa isang pahayag nitong Lunes si VP Sara, kung saan iginiit niyang hindi ito dapat palampasin.
MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'
Samantala, sinagot din ng bise presidente ang nasabing pagbuwelta ng pangulo, at sinabing hindi rin daw niya papalagan ang ginagawa sa kaniya nina PBBM.
MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbuwelta sa kaniya ni PBBM: ‘Papalagan ko rin ginagawa nila sa’kin!’
Matatandaang sina PBBM at VP Sara ang magka-tandem noong 2022 elections sa ilalim ng ticket ng UniTeam.