November 25, 2024

Home BALITA National

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya

‘What kind of country is this?’ VP Sara, pinuna ‘di raw pag-aksyon ng gov’t sa banta sa kaniya
VP Sara Duterte (Photo: Santi San Juan/MANILA BULLETIN)

Pinuna ni Vice President Sara Duterte ang hindi raw pag-aksyon ng pamahalaan sa banta sa kaniyang buhay, habang itinuturing nito ang banta sa buhay ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang isang usapin ng “national security.”

Sa panayam ng mga mamamahayag matapos dumalo sa pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y maling paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP) nitong Lunes, Nobyembre 25, kinuwestiyon ni Duterte ang pagkonsidera ng National Security Council (NSC) sa banta sa pangulo bilang “national security concern” ngunit hindi sa banta sa bise presidente.

"Nag-complain ako noon if you can remember in the media, and they didn't dismiss it, everything is well documented, with documents and videos," ani Duterte.

"Nagsabi ang NSC, na national security concern ang threat sa President. Pero apparently, they really do not consider the threat to the Vice President as anything of a concern. So what kind of country is this?”

National

Kahit nagpapagaling: Doc Willie Ong, pinapanalanging maging maayos na sina PBBM at VP Sara

“Hindi ba kaparte ng gobyerno ang vice president? Hindi ba ako binoto ng mga tao? Hindi ba ako ang vice president ng buong Pilipinas, ng lahat ng mga Pilipino?” saad pa niya.

Matatandaang nitong Linggo, Nobyembre 24, nang ipahayag ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na isang usapin ng “national security” at dapat seryosohin ang anumang banta laban sa pangulo ng Pilipinas.

MAKI-BALITA: Anumang banta sa buhay ng pangulo, isang usapin ng ‘national security’ – Año

Ang naturang pahayag ni Año ay matapos isiwalat ni Duterte na mayroon na raw siyang napagbilinang indibidwal na kung pinatay raw siya, papatayin naman umano nito si PBBM at maging sina First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.

MAKI-BALITA: VP Sara, may binilinan na raw: ‘Kapag pinatay ako, patayin mo si PBBM, FL Liza, Romualdez!’

Samantala, sa isang pahayag nito lamang ding Lunes ay iginiit ni PBBM na hindi raw dapat palampasin ang banta laban sa buhay ng isang presidente.

MAKI-BALITA: PBBM sa 'death threats' ni VP Sara sa kaniya: 'Yan ay aking papalagan!'

Sa naturang pahayag ay sinagot din naman ng bise presidente ang nasabing pagbuwelta ng pangulo, at sinabing hindi rin daw niya papalagan ang ginagawa sa kaniya nina PBBM.

MAKI-BALITA: VP Sara sa pagbuwelta sa kaniya ni PBBM: ‘Papalagan ko rin ginagawa nila sa’kin!’