Naglabas ng umano’y patunay si House Sergeant-At-Arms Napoleon Taas hinggil sa pagsasagawa raw nila ng transfer order sa chief-of-staff ni Vice President Sara Duterte na si Zuleika Lopez, noong Nobyembre 23, 2024.
Sa kasagsagan ng hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability nitong Lunes, Nobyembre 25, naglabas ng dalawang video footage si Taas upang pabulaanan daw ang mga naging pahayag ni Lopez hinggil sa “transfer order” nila na mailipat ito sa Women’s Correctional mula sa detention room niya sa Kamara.
“Ito po nakita n’yo ngayon Mr. Chairman sa ating CCTV. Mayroon pa po tayong tatlong babae na pumasok sa loob, at makikita n’yo nga na kausap na nung nag-serve na tatlong babae si Atty. Lopez,” ani Taas.
Sinegundahan din ni Nueva Ecija 1st. District Representative Mikaela Suansing na tanging apat lang daw ang pumasok nang mahinahon sa detention room ni Lopez, taliwas sa pahayag nito na nasa 9 na katao raw ang tila biglaang pumasok sa kaniyang kuwarto upang ihain ang nasabing transfer order.
Ang tinutukoy ni Rep. Suansing na umano’y paglalarawan daw ni Lopez sa nangyari ay tila na-harass at nilabag daw ang mga karapatan ni Lopez kaugnay ng transfer order at paghahain sa kaniya nito ng mga tauhan ng House of Representatives.
“In terms of using the word 'barged' that did not seem to 'barging in' kasi po nung binuksan po yung pinto kaunti-kaunti pa nga po sumulip yung LSB personnel,” dagdag pa ni Suansing.
Inisa-isa rin ng nasabing mambabatas ang mga 4 na taong naghain ng transfer order kay Lopez.
“There seem to be four people, 'the lady in green... the uniformed personnel na babae. Pangatlo po parang may lalaki po doon s a bandang kanan, at yung pang-apat po ay yung cameraman,” anang mambabatas.
Matatandaang naunang igiit ni Lopez sa isang virtual press conference noong Nobyembre 23, na nasa 9 na tao raw ang biglaang pumasok upang ihain sa kaniya ang transfer order at isa sa mga itinuturo niyang dahilan ng kaniyang panic attack.
KAUGNAY NA BALITA: Lopez habang umiiyak na nakayakap kay VP Sara: 'Huwag mo akong iiwan'
BASAHIN: Sen. Bato, iginiit na hindi convicted criminal si Lopez para ilipat sa Women's Correctional